I decided, creature of habit that I am, that I should likewise answer the thesis statements I have for my Philosophy final oral exams in pretty much the same fashion that I answered the thesis statements for Mr. Bulaong’s class last semester. As a reminder, because this weblog is public knowledge and Dr. Barbazza will, more likely than not, see this, it is highly recommended to not use my line of argumentation word for word. Not only is this a form of cheating, nobody really died and made me the authority on Philosophy, so don’t just go taking my word for it... I'm done with the first four. Four more to go...
Expect me to answer my Theology thesis statements soon, as well... heh.
A translation into English? Only when I have the spare time. Seeing as how I’ll be answering our oral exams with Dr. Barbazza in Filipino, I am not all too compelled to come up with a translation right now...
******************************************
I. MALILIIT NA TANONG:
1. Ibigay ang pamagat ng isa sa mahahalagang akda ng bawat isa sa sumusunod: Platon, Agustin, Anselmo, Tomas de Aquino, Kant, Pascal, at Kierkegaard.
Sa paksa ng pagiging walang-kamatayan ng kaluluwa, isinulat ni Platon ang Alcibiades I at ang Phaedo. Isinulat ni San Agustin ang “Mga Pag-Amin” (Confessions), at ang “Banal na Kaalaman Bago pa man Mangyari at ang Malayang Kalooban ng Tao”Divine Foreknowledge and Human Free Will), mula sa "San Agustin sa Malayang Kalooban" (Saint Augustine on Free Will). Isinulat ni San Anselmo ang “Ontolohikong Argumento” (The Ontological Argument), mula sa "Proslogium". Si Santo Tomas de Aquino naman ay naglathala ng Kosmolohikong Argumento sa kanyang akdang “Ang Limang Paraan” (The Five Ways), mula sa "Suma Theologica". Nagsulat naman si Immanuel Kant ng “Isang Pagpuna sa Ontolohikong Argumento” (A Critique of the Ontological Argument), mula sa "Pagpuna ni Kant sa Purong Pangangatwiran" (Kant's Critique of Pure Reason). Isinulat ni Blaise Pascal ang “Pagtaya” (The Wager), mula sa "Kaisipan" (Thoughts). At huli, iniakda ni Soren Kierkegaard ang “Subhetibidad ay Katotohonan” (Subjectivity is Truth), mula sa "Pantapos na Di-Siyentipikong Dulong-tala sa Pilosopikong Pragmento" (Concluding Unscientific Postscript to the Philosophical Fragments).
2. Ano ang tawag sa argumento ni San Anselmo? Bakit ganoon ang tawag dito?
Tinaguriang “Ontolohikong argumento” ang argumento ni San Anselmo. Ang ontolohiya ay ang pag-aaral ng kaalaman. Dahil naniniwala si San Anselmo na a priori (bago pa man ang lahat), kaya ng taong makaalam ng isang bagay na pinakadakila sa lahat. Ang perpektong bagay na ito na siyang sukdulan ng dakila at kapangyarihan ay ang Diyos. Kung gayon, dahil ang isang bagay na nag-eeksistensya sa katotohanan ay nakahihigit sa isang bagay na nauunawaan ng isip lamang, upang maging Diyos talaga ang Diyos, nararapat na mag-eksistensya din siya sa katotohanan.
3. Ano ang tawag sa argumento ni Tomas de Aquino? Bakit ganoon ang tawag dito?
Tinaguriang “Kosmolohikong argumento” ang argumento ni Santo Tomas de Aquino. Ang kosmolohiya ay ang pag-aaral ng pagkakaayos ng sanlibutan (universe). Kung gayon, para kay Santo Tomas de Aquino, a posteriori (matapos ang lahat), dahil sa kaayusan ng kosmos, nararapat isiping may isang ultimong dahilan na pinagmumulan nito, na Siyang naghahatid ng di-inaasahang kaayusan sa harap ng posibilidad ng kaos, at ito ang Diyos.
4. Ano ang tanyag na pahayag ni Pascal?
Naniniwala si Pascal na ang puso ay may mga katwiran na hindi maaaring alamin ng pangangatwiran, o sa Pranses, “le coeur a ses raison, que la raison ne connait pas” (the heart has its reasons which reason does not know).
5. Sino si Averroes? Ano ang orihinal niyang pangalan?
Si Averroes ay isang tanyag na pilosopo ng Islam na tumuligsa sa teolohiya. Tinawag siya ni Dante bilang “ang Dakilang Mangongomentaryo” dahil sa kanyang mga komentaryo ukol kay Aristoteles. Bago siya nakilala ng kanluran bilang si Averroes, siya ay kinilala bilang si Ibn Rushd.
6. Sino si Avicenna? Ano ang orihinal niyang pangalan?
Si Avicenna ay isang pilosopong nagbigay ng isang pilosopong pagpapatunay sa pag-eeksistensya ng Diyos bilang tagapaglikha sa pamamagitan ng pagbigay ng paghahambing sa “eksistensya” at “esensya”. Ito ang pinagmulan ng isa sa limang paraan ni Santo Tomas de Aquino sa kanyang kosmolohikong argumento. Bago siya nakilala ng kanluran bilang si Avicenna, siya ay kinilala bilang si Abu Ali Ibn Sina.
II. MALALAKING TANONG:
1. Paano inuunawa ni Platon ang kamatayan? Ano ang kinalaman ng pag-uunawang ito sa Diyos?
Unang-una, naniniwala si Platon na ang tao ay isang pagsasama ng katawan at diwa. Sa kanyang pagninilay, naipakita niya na ang diwa ng tao ang tunay na sarili ng tao at hindi ang katawan dahil may hangganan ang katawan. Nakahantong siya dito sa pag-iisip na ang totoong sarili ng tao ay maaaring isa sa tatlong bagay: katawan lamang, diwa lamang, o pinagsanib na katawan at diwa. Ayon sa kanya, hindi maaaring maging totoong sarili ang katawan ng tao, dahil bilang isa lamang instrumento ng tao, nangangahulugang may sarili pa ring iba sa instrumentong ito. Hindi rin naman maaaring maging pagsasanib ng katawan at diwa ang totoong sarili ng tao, dahil ang diwa, sa kanyang relasyon sa katawan bilang isa lamang na instrumento para sa diwa, ay nagpapatunay na mas nakakataas ang diwa sa katawan. Kung sumasailalim ang katawan sa diwa, hindi sila maaaring sabay na mamuno bilang totoong sarili ng tao.
Kung gayon, ang diwa ang totoong sarili ng tao, at hindi ang katawan at pagsasama nito. Dahil naniniwala si Platon na ang kamatayan ay siyang maghihiwalay sa katawan at diwa, itinuturing niya ang kamatayan bilang isang napakabuting pangyayari sa kanya dahil dito siya magiging tunay na ganap. Ika nga ni Platon, ang pilosopiya ay ang pagsasanay sa kamatayan, dahil ang kamatayan, para kay Platon, ay ang siyang daan natin upang makamit ang ating telos: ang pagiging ang ating tunay na sarili, ang diwa.
May kahirapan ang ganitong pagtingin kung dito na tayo titigil, kaya’t nararapat itong ipagpatuloy. Kung titigil tayo dito, marahil isipin natin na magpakamatay lamang upang mapabilis ang paghihiwalay ng katawan at diwa. Hindi rin tama iyon, dahil ayon kay Platon, ang ating kamatayan ay isang bagay na ipagkakaloob sa atin ng Diyos sa sandaling ninanais Niya. Wala tayong karapatang pangunahan ang Diyos at angkinin ang posibilidad na ito na nagmumula sa Diyos. Kung gayon, nararapat nating hintayin ang ating kamatayan sa sandaling naisin ito ng Diyos para sa atin, at hindi tayo ang dapat na magpasya kung kailan ito nararapat para sa atin.
Ang diwa ng tao, para kay Platon, ay banal, walang-kamatayan, konkreto, walang-kupas, at di-mababago. Ang katawan naman ay di-banal, mortal, abstrakto, may kakupasan, at nagbabago. Dahil dito, nakikita natin na ang kamatayan, na siyang nagpapalaya ng ating tunay na sarili (ang ating diwa), ay siyang ating nagiging partisipasyon sa mga katangiang kadalasan nating itinuturing sa Diyos. Kung gayon, ang diwa ang siyang totoong sarili ng tao na pinakamalapit sa Diyos, at hindi ang katawan.
2. Maglahad ng paglalagom ng ontolohikong argumento ni San Anselmo.
Unang- una, ang salitang ontolohiya ay nagsasaad ng isang pag-aaral sa kaalaman. Naniniwala si San Anselmo na kayang alamin ng tao ang isang bagay na sukdulan ng kadakilaan at kapangyarihan, na walang maaaring makahigit pa rito, at Siya ay tinatagurian nating Diyos. Ang Diyos ay ubod ng dakila: wala na tayong maaaring isipin o alamin pang maaaring humigit sa Kanya. Kung mayroong bagay na maaaring isipin na humihigit sa Diyos, ang iniisip nating Diyos ay HINDI Diyos.
A priori, o bago pa man ang lahat, napapatunayan natin ang pag-eeksistensya ng Diyos sa pag-uunawa ng pagkakaiba ng pag-uunawa ng isang bagay sa ating isip lamang, at sa pag-eeksistensya ng isang bagay sa katotohanan. Alam nating mas nakahihigit ang isang bagay na nag-eeksistensya sa katotohanan kaysa sa isang bagay na nauunawaan natin sa isipan lamang. Bilang halimbawa, malinaw na nakahihigit ang sampung piso sa aking bulsa kaysa sa iniisip at inuunawa ko lamang na isang milyong piso na INIISIP ko lamang na mayroon ako.
Sa pagkakaibang ito, masasabi ba nating pinakadakila ang Diyos kung nag-memeron lamang Siya sa ating isipan at pag-uunawa at hindi sa katotohanan? Hindi! Kahit ang isang kuto man lamang ay makakahigit sa isang “Diyos” na nagmemeron pawang sa pag-iisip lamang, dahil ang kuto ay nag-memeron sa katotohanan. Hindi Diyos ang Diyos kung hindi Siya nag-eeksistensya sa katotohanan, dahil kung hindi Siya nag-eeksistensya sa katotohanan, malinaw na hindi siya ang magiging pinakadakila sa lahat, sapagkat kahit anong bagay na nag-eeksistensya sa katotohanan ay makakahigit sa Kanya.
Kung gayon, upang maging Diyos ang Diyos (dahil ang Diyos ay ang pinakadakila), nararapat isiping na higit sa pag-uunawa sa Kanya sa isip lamang, nararapat na mag-eksistensya rin Siya sa katotohanan upang mabigyan ng patunay ang Kanyang pagiging pinakadakila sa lahat.
3. Ano ang “limang paraan” ni Santo Tomas de Aquino? Ipaliwanag ang isa sa mga ito (Para sa ating kapakanan, ipapaliwanag ang LAHAT.).
Naniniwala si Santo Tomas de Aquino na ang ating kosmos ay may kaayusan, at hindi natin madaling maitatanggi ito. Ang kosmos ay may isang kaayusan na mahirap isiping nadala lamang ng pagkakataon. Dahil dito, naniniwala si Santo Tomas de Aquino na a posteriori, o matapos ang lahat, mayroong isang ultimong pinagmulan ang lahat ng bagay, at ang ultimong pinagmulan na ito ay walang iba kundi ang Diyos.
Upang patunayan ni Santo Tomas de Aquino na talagang ang Diyos ang pinakadahilan ng kosmos, nagbigay siya ng limang paraan: ang pagkilos, bilang unang sanhi, dahil sa posibilidad at nesesidad, kahusayan, at kaayusan ng mundo.
Sa unang paraan, naniniwala si Santo Tomas de Aquino na ang pagkilos ay isang reduksyon ng isang bagay mula sa potensyalidad patungong aktwalidad. Pinaniniwalaan niyang hindi maaaring madala sa aktwalidad ang isang potensyalidad kung hindi ng isa ring aktwalidad. Halimbawa, ang isang bagay na aktwal na malamig, katulad ng yelo, ay makakapagdala sa isang bagay na maaaring maging malamig, katulad ng tubig, upang maging aktwal na malamig din. Ang isang bagay na aktwal na malamig ay hindi maaaring maging potensyal ring maging malamig, subalit ang isang bagay na aktwal na malamig ay may potensyal na maging mainit.
Kung gayon, imposible na ang isang bagay na pinakikilos ay siya ring maging tagapagpakilos ng sarili niya. Nangangahulugan na kung anuman ang kumikilos, nararapat na may nagpapakilos rin dito, at ang nagpapakilos dito ay may iba pang bagay na nagpapakilos rin dito, at tuluy-tuloy pa. Subalit, hindi maaaring maging walang-hanggan ang kadenang ito ng pinapakilos at nagpapakilos, dahil kung gayon, walang magiging unang tigapagpakilos, at dahil nito, walang ibang tigapagpakilos, sapagkat ang isang bagay na nagpapakilos ay magpapakilos sa sandaling pakilusin ito ng unang tigapagpakilos. Kung gayon, hahantong tayo sa isang unang tigapagpakilos, na walang ibang nagpapakilos, at siya ang Diyos.
Sa ikalawang paraan, ipinapakita ni Santo Tomas de Aquino na sa harap ng mga sanhi at bunga, wala ni isang pagkakataon na nagkaroon ng isang bagay na siyang sapat na sanhi para sa kanyang sarili, dahil kung gayon, mauuna siya sa sarili niya, at hindi ito maaaring mangyari. Paano magiging sanhi ng bagay ang kanyang sarili? Alam natin na ang isang bunga ay may sanhi, at ang sanhing ito ay isang bunga ng iba pang sanhi, kung kaya’t nagiging isa itong mahabang kadena ng sanhi at bunga. Ang mahalagang salita dito ay IBA PANG sanhi. Hindi ang sarili nito.
Mahaba man ang kadenang ito, hindi maaaring wala itong maging hangganan. Ang isang ultimong bunga ay mayroong pumapagitnang sanhi, at ang sanhi (o mga sanhi na ito, sa pagkakatong marami ang mga pumapagitnang sanhi) na ito ay bunga ng iba at pangunahing sanhi. Kung walang-hanggan ang kadena ng sanhi at bunga, nawawala ang pangunahing sanhi, at nawawala ang ultimong bunga, at maging ang mga pumapagitnang sanhi, na sa ating karanasan, ay alam nating hindi totoo. Kung gayon, nararapat isipin na mayroong isang pangunahing sanhi na siyang tinatawag nating Diyos.
Ang ikatlong paraan ay ipinapakita ng posibilidad at nesesidad, at dala ito ng kaalaman na lahat ng bagay na nagmemeron ngayon ay, sa isang pagkakataon, maaaring hindi nagmeron. Lahat ng bagay ay maaaring magmeron o di magmeron. Subalit, imposible na walang-hanggang nagmemeron ang mga bagay na ito, dahil ang isang bagay na maaaring hindi mag-eksistensya, sa isang punto, ay hindi nag-eksistensya. Kung gayon, kung lahat ng bagay ay maaaring hindi mag-eksistensya, may isang punto na wala talagang nag-eeksistensya. Ngayon, kung totoo ito, magpahanggang ngayon ay wala pa ring mag-eeksistensya, dahil ang isang bagay ay maaaring mag-eksistensya lamang sa pamamagitan ng isang bagay na nag-eeksistensya na.
Kung gayon, kung sa isang punto ng panahon ay walang nag-eeksistensya, nangangahulugan na walang maaaring mag-umpisang mag-eksistensya. Ibig sabihin, hanggang ngayon, wala pa ring nag-eeksistensya, at alam nating kahibangang isipin ito. Kung gayon, hindi lahat ng bagay ay pawang posibilidad lamang, kund nararapat isipin na mayroong isang bagay na ang pag-eeksistensya nito ay isang nesesidad at hindi lamang posibilidad. Ngayon, lahat ng nesesaryong bagay ay nagiging nesesaryo dulot ng iba pang nesesaryong bagay, at muli, hindi walang-hanggan ang kadenang ito. Hahantong tayo, kung gayon, sa isang bagay na ang nesesidad nito ay mula mismo sa sarili nito, at hindi mula sa iba pa; sa halip, siya pa ang nagdudulot ng nesesidad sa iba pang mga bagay. Ang bagay na ito ay ang Diyos.
Ang ikaapat na paraan ay ang mga nibel ng kahusayan ng mga bagay. May mga bagay na sumasaklaw sa mga nibel ng kabutihan, o di kaya’y katotohanan, at iba pa. Sa ating pagsabi ng pagkakaroon ng nibel ng kahusayan ng mga bagay, nangangahulugang mayroong pinakamataas at pinakamababang nibel ang mga bagay na ito, na ang isang bagay ay maaaring maging ang pinakamabuti, o ang iba namang bagay ay maaaring maging pinakamasama. Sa mga bagay na pataas ng pataas ng nibel ng init, halimbawa, ang isang bagay na nalalagay sa mas mataas na antas ng init ay mas malapit sa pinakamainit na bagay.
Ngayon, alam natin na ang sukdulang nibel ng isang katangian ay ang siya mismong dahilan ng katangiang ito, na nakikita natin sa halimbawa ng init: ang pinakamainit, apoy, ang siyang nagiging sanhi ng lahat ng mga maiinit na bagay. Kung gayon, may isang bagay na bilang sukdulan ng pagiging, ay sa lahat ng ibang bagay nagdudulot ng kanilang pagiging, ng kanilang kabutihan, at ng iba pang mga nibel ng perpeksyon, at ang bagay na ito ay ang Diyos.
Ang ikalima at huling paraan ay ang kaayusan ng mundo. Nakikita natin na maging ang mga bagay na walang kaalaman ay gumaganap ng papel na sa kanilang pagganap nito ng halos palaging sa parehong pamamaraan, ay nagdudulot rin ng pinakamainam na bunga. Kung gayon, hindi nagkakataon lamang ang kanilang mga pagkilos, kundi ito ay sumusunod sa isang kaayusan. Ngayon, kung anumang bagay na walang kaalaman ay alam nating hindi makakatungo sa isang telos kung hindi ito ginagabayan ng isang bagay na may angking kaalaman at katalinuhan. Kung gayon, may isang marunong na bagay na nag-eeksistensya na kung saan lahat ng bagay sa kalikasan ay nagagabayan sa kanilang telos, at ang bagay na ito ay ang Diyos.
4. Paanong ang tanong tungkol sa katiyakan ay naisasangkot sa tanong ng pananamplataya? Sa harap ng tanong na ito, saan tumatayo sina Kierkegaard, James, Lewis, at Hick?
Sa larangan ng pananampalataya, marami tayong nakikitang mga taong hindi nais maniwala sa Diyos dahil sa kakulangan ng mga katibayan o ebidensya upang mapatunayan ang pag-eeksistensya ng Diyos. Nakikita natin na ang pananampalataya, para sa kanila, ay isang bagay na hindi nila maaaring basta-basta ipagkaloob dahil wala silang mapanghawakan na patunay sa kanilang pananampalataya.
Masasabi nating ang tanong ng katiyakan ay ang tanong na madalas gumagambala sa mga nananampalataya, dahil aminin na natin, wala tayong maipapakita na patunay na sa sobrang katiyakan nito ay walang hindi maniniwala sa pag-eeksistensya ng Diyos. Sa larangan ng obhetibong kaalaman, ang pananampalataya ay hindi natin maaaring bigyan ng katibayan, dahil hindi tayo katulad ng mga siyentipiko ang pag-iisip na kayang gumawa ng iba’t-ibang eksperimento upang patunayan ang kanilang mga hupotesis.
Ang mahalaga kay James ay ang masidhi nating paghahangad, o ang ating pagloloob na maniwala sa Panginoon sa harap ng mga obhetibong katibayan para sa o laban sa Panginoon. Nakikita ni James na ang masidhing paghangad sa isang uri ng katotohanan ang siyang nagpapatotoo sa pagmemeron nito.
Ipinapaliwanag ni James ang mga iba’t-ibang pagpili sa gitna ng dalawang hupotesis, na kanyang tinatawag na opsyon. Ang mga opsyon ay maaaring buhay o patay, sa pagtingin kung may kinalaman ba ito o wala sa atin; ang opsyon ay maaaring pinapataw o maiiwasan, na kung saan tinitingnan kung may kakayahan o wala ba tayong hindi pumili ng opsyon; ang opsyon na mahalaga o di-mahalaga naman ay sumusuri sa kahalagahan ng isang opsyon. Ang isang opsyon na buhay, pinapataw, at mahalaga ay tinatawag nating ganap na totoong opsyon, at para kay James, ang tanong ukol sa ating pananampalataya ay isang ganitong uri ng opsyon.
Ipinakita ni James na ang lahat ng pagpili na ginagawa ng tao ay may kaakibat, sa ayaw man o sa gusto niya, na paghahangad, na hindi sakop ng obhetibidad. Hindi pangangatwiran at lohika ang bumubuo ng ating mga kredo at paniniwala, kundi ang ating pagloloob na maniwala.
Para kay James, ang tanong ng pananampalataya ay buhay dahil sa ang pananampalataya o ang kawalan nito ay may kinalaman sa lahat ng tao. Ang tanong ng pananampalataya ay mahalaga rin dahil sa bigat na kaakibat sa pagtataya para o laban dito. Higit namang masasabi nating ang opsyong ito ay pinapataw: hindi maaaring iwasan ang magpasya, dahil ang paghihintay ng katibayan bago maniwala ay wala na ring pinagkaiba sa hindi paniniwala. Walang pagitnang landas sa tanong ng pananampalataya: walang dahilan para naising umiwas sa pagkakamali sa pamamagitan ng pananatili sa kawalang-pagpapasya. Maaaring wala tayong pagkakataong magkamali sa paghihintay, o wala ba talaga? Paano kung sa ating di-pagpapasya, naunahan tayo ng kamatayan bago makapagpasya, at nalaman nating tama pala ang manampalataya? Kahit hindi man ito, hindi ba iniaalis din natin ang posibilidad na maging tama sa ating pag-iwas sa pagkakamali? Ang ating di-pagpili ay katumbas na rin sa pagpili laban sa pananampalataya dahil pareho silang humahadlang sa posibilidad na makamit natin ang katotohanan sa pagkakataong totoo nga ito.
May mga iba’t-ibang larangan ng pagtatanong, at nakikita ni James na sa larangan ng siyensa, nararapat lamang na maghintay ng patunay bago maniwala sa isang bagay, subalit sa larangan ng moralidad at pananampalataya, hindi na ito kinakailangan, dahil ang batayan na natin ngayon ay hindi ang ating isipan, kundi ang ating puso, na kanyang hiniram mula kay Pascal.
Kung gayon, sa mga katotohanang nakasalalay sa ating personal na pagkilos, ang pananampalatayang nakabatay sa paghahangad at hindi sa pangangatwiran ay isang makatarungan at di-maiiwasang bagay. Kung totoo pala ang pananampalataya kahit na kulang pa ang mga katibayan, nanaisin mo bang hindi tumaya at ipagkait sa sarili ang iyong tanging pagkakataong sumali sa tamang panig, dahil lamang gusto mo munang manigurado?
Para kay Kierkegaard, ang tanging mapanghahawakan lamang natin ay ang ating pananampalataya sa isang Diyos: ang pagturing sa Diyos hindi bilang isang bagay na nangangailangan ng obhetibong katibayan, kundi isang subhetibong pagkilala sa Diyos. Para sa kanya, hindi nagiging tanong ang kung mayroon ang Diyos, dahil ang nararapat itanong ay kung PAANO siya nakikitungo dito. Para kay Kierkegaard, ang obhetibidad ay hindi ang daan upang malaman ang katotohanan, kundi ang subhetibidad.
Nakikita niya na may isang baluktot na pag-iisip sa paghahanap ng obhetibong batayan para sa pananampalataya ng isang tao. Unang-una, wala itong maidudulot sa isang nais manampalataya: makahanap man siya o hindi ng ebidensya, talaga bang mababago na lamang ang pananampalataya niya o ng iba pa? Hindi rin. Kung naniniwala na ang isang tao at nananampalataya, ang kanyang walang-hanggang paghahangad (infinite passion) ay mas nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa Diyos at hindi sa paghahanap ng ebidensya sa kanyang eksistensya. Kung hindi naman siya naniniwala, wala namang maidudulot ang ebidensyang ito dahil kayang-kaya lamang niya itong iwaksi sa kanyang isipan bilang mga bagay na walang katotohanan.
Sa isa pang banda, nakakasagabal pa ang obhetibidad na ito dahil nawawala ang nararapat na pagpapahalaga sa kanyang mahalagang tungkuling yumabong sa kanyang pananampalataya. Hindi lamang nakakataas sa pangangatwiran para kay Kierkegaard ang pananampalataya: sumasalungat mismo ang pananampalataya sa pangangatwiran. Ang pananampalataya at hindi pangangatwiran, para kay Kierkegaard, ang pinakadakilang bagay na maaring matutunan ng isang tao, dahil kailangan ito upang lubusang mapalalim ang pagkakaganap ng isang tao.
Nakikita ni Kierkegaard na ang di-kasiguraduhan ang kakampi ng pananampalataya, samantalang ang kasiguraduhan naman ang kalaban nito. Kapag nanghihina na ang pananampalataya ng isang tao, nakikitang bumabaling na siya sa obhetibong patunay upang makuha ang paggalang ng mga di-nananampalataya. Sa kanyang pagturing sa pananampalataya sa isang obhetibong paraan, nawawala ang kanyang kakayahang makitungo sa kanyang pananampalataya na mayroong paghahangad, lalo na ang walang-hanggang o masidhing paghahangad. Sa harap nito, na nagiging limitado na ang kanyang pinakikitunguhan, kung manatili ang kanyang walang-hangga’t masidhing paghahangad, nalululong na siya sa panatisismo.
Dahil ang kilos ng subhetibidad ay paloob, at dahil ang bunga ng pananampalataya ay nagmumula sa loob, nararapat nating isipin na ang subhetibidad nga mismo ang katotohanan, dahil ang paghahangad ay ang pinakamataas na antas ng pag-eeksistensya ng isang temporal na tao. Kahit na mayroon ka pang obhetibong patunay na ang iyong ama ay iyong ama talaga, kung hindi mo siya itinuturing na ama, mas higit pang nagiging ama ang isang ama ng ampon na itinuturing ng kanyang ampon na anak bilang tunay na ama, KAHIT PA magkaroon siya ng obhetibong patunay na hindi niya talaga siya ama.
Naniniwala naman si Lewis na ang karanasan ng relihiyon mismo ang siyang nagpapatunay sa kanyang sarili. Para sa kanya, ang pagdududa dito ay isang kawalan ng tiwala o di kaya’y isang kakulangan sa pag-uukol ng pansin sa relihiyon. Nasabi niya ito dahil ang nibel na ng usapin ni Lewis ay hindi na dahil mayroong Diyos, kundi dahil ang Diyos NA ITO ay nagmemeron. Pinag-uusapan na dito ang kadakilaan ng pananampalataya ng hindi paghahanap ng katumbas na katibayan bago pa ipagkaloob ang pananampalatayang ito.
Gumamit si Lewis ng isang analohiya upang ipakita ang pagkilos na ito: alam natin na ang pagkakaibigan, at ang ating pagtitiwala sa isang kaibigan, ay hindi basta-basta dulot lamang ng paghahanap ng katibayan na katiwa-tiwala nga ang isang kaibigan. Nagiging isang masamang bagay para sa atin kung magduda tayo sa isang kaibigan natin na tila baga’y wala talaga tayong tiwala sa kanya. Sa paglapat ng analohiyang ito sa Diyos, nakikita nating gusto ni Lewis linangin ang pag-iisip na dahil ang Diyos ay higit pa sa sinumang kaibigan, sa Kanyang kalubusan, hindi ba lalong nararapat tayong magtiwala sa Kanya?
Kung ang buhay ng tao ay siyang inaayos ng isang mabuting Diyos na nakakaalam ng ating mga tunay na pangangailangan at sa kadahilanang ito, nahihigitan pa ang ating ipinagpapalagay na ating mga pangangailangan, kailangang asahan natin bago pa man ang lahat na ang Kanyang mga pagkilos, maging MISTULANG taliwas man siya sa ating kapakanan, ay talagang makabubuti sa atin na pagtiwalaan pa rin Siya sa halip nito.
Kapag hiningi ang tiwala natin, maaaring ibigay natin ito, o hindi natin ibigay ito. Walang saysay ang paghingi ng katibayan bago ipagkaloob ang katibayan dahil hindi na ito tiwala, kundi paniniguro. Sa harap ng ganitong paninindigan, ang pananampalataya natin ay nararapat ring hindi humingi ng katibayan, dahil mananampalataya tayo o hindi, at hindi dapat ang katibayan ang maging batayan ng pananampalatayang ito.
Kung wala tayong maaaring maituring na kaibigan na naniniwala sa ating mabubuting hangarin matapos lamang itong mapatunayan, kung wala tayong maaaring maituring na kaibigan na hindi kaaagarang tumatanggap ng katibayan laban sa ating mabuting hangarin, masasabi ba nating kahibangan ito? Hindi! Ito ay isang dakilang katangian ng tao: ang pagtitiwala na ipinagkakaloob ay hindi isang pagkakamaling lohikal. Ang pagiging dudero o suspityoso naman ng isang tao ang siyang tinutuligsa ng karamihan, at hindi siya pinupuri sa kanyang paninigurado.
Ganoon din dapat ang turing natin sa Diyos, para kay Lewis.
Bilang isang pluralista naman, naniniwala si Hick na ang katiyakan ay hindi isang kasangkapan ng pananampalataya, dahil sa harap ng maraming iba’t-ibang relihiyon na may kani-kanilang butil ng katotohanan, wala talagang ganap na katiyakan sa pananampalataya. Bilang mga limitadong tao, tila mga bulag tayo na sinusubukang kilalanin ang isang dambuhalang elepante, at ang ating mga limitadong perspektiba ay nagbibigay sa atin ng iba’t-ibang mga ideya ukol sa iisang elepante, na hindi ganap na mali, subalit hindi rin naman ganap na tama, dahil hindi nito nasasaklaw ang kabuuan ng elepante.
Sa ganitong pag-iisip, ang pananampalataya ay nararapat na bukas at hindi umaasa sa obhetibong kaalaman. Magkakaroon at magkakaroon ng iba’t-ibang mga perspektiba ang bawat relihiyon, subalit hindi nangangahulugan na mayroong tama at mayroong mali sa kanilang lahat. Ang ipinapahiwatig lamang nito ay mas nararapat na magpatuloy sa pananampalataya dahil sa pagkakasagap ng pananampalataya natin ng mga butil ng katotohanan, kahit na hindi pa ito ang kabuuan ng katotohanan, na hinding-hindi rin naman maaaring makamit ng mga limitadong tao.
Sa isang historikal na pagtingin, hindi isang pagmamatigas ng isang ilusyon ang nangyayari sa pag-iral ng relihiyon sa iba’t-ibang mga naging, nagiging, at magiging anyo nito, kundi isang temporal na pagpapamalas ng banal ng Kanyang sarili sa sangkatauhan. Sa ganitong pagtingin, nakikita natin ang kawalang-saysay ng katiyakan: wala talagang katiyakan ang pananampalataya dahil ito ay patuloy na nag-iiba, nagbabago, at umiiral. Subalit, kahit na ganito ang katayuan, hind ito nangangahulugang hindi tayo dapat manampalataya, dahil ang katiyakan, para kay Hick rin, ay wala namang halaga sa tanong ng pananampalataya, dahil ang katiyakan ay nasa Diyos mismo lamang, at dahil mga tao lamang tayo, ang ating pananampalataya na walang ganap na katiyakan ang tangi nating kasangkapan upang lalong mapalapit sa Diyos.
5. Sa usapin ng pananampalataya, bakit lumilitaw ang problema ng kasamaan? Kanino ka igit na sumasang-ayon sa usapin ng kasamaan- kay Hume, Leibniz, o Hick? Bakit?
Sa larangan ng pananampalataya sa isang Diyos na lubos ang kapangyarihan at kabutihan, hindi maiwasang itanong kung bakit mayroong kasamaan. Kung talagang mayroong Diyos na mabuti at lubos ang kapangyarihan, bakit Niya hinahayaan ang pagkakaroon ng kasamaan? Hindi ba dapat ay dahil lubos ang kabutihan Niya, wala siyang dapat pahintulutang kasamaan? Mainam itong tanong sapagkat sa karanasan natin sa pang-araw-araw, laganap ang nababatid nating kasamaan, at nadadala tayong itanong kung bakit ito pinahihintulutan ng Panginoon.
Para kay Hume, iniisip niyang hindi madaling isipin ang pag-eeksistensya ng Diyos kung maraming kasamaan sa mundo. Hindi naman nangangailangang timbangin ang dami ng kasamaan sa mundo laban sa dami ng kabutihan sa mundo upang kanyang pagdudahan ang pag-eeksistensya ng Diyos sapagkat kung may isang bagay na walang-hanggang nag-eeksistensya, lohikal na isiping ang kabaligtaran nito ay hindi maaaring mag-eksistensya. Sa madaling salita, naniniwala si Hume na kung ang Diyos ay walang-hanggang kabutihan, nangangahulugang dahil sa pamamagitan ng kanyang walang-hanggang kapangyarihan, tuluyang mawawala ang kasamaan. Alam natin na sa mga ibang halimbawa, ganoon din naman: kung ang isang bagay ay walang-hanggan ang lamig, walang-wala ang lamig kung ganoon.
Para kay Hume, dahil mayroon pa ring kasamaan sa mundo, nangangahulugang kaduda-duda ang pag-eeksistensya ng Diyos. Malinaw para kay Hume na dahil may kasamaan pa rin, hindi maaaring magkaroon ng isang nilalang ng ubod ng kabutihan at ubod ng kapangyarihan, sapagkat kung ganoon, dapat ay wala ang kanyang katunggali: kasamaan. Napakariin ng argumentasyon ni Hume, at mahirap itanggi, subalit may mga bagay na nararapat na wastuhin sa kanyang mga punto.
Dito pumapasok si Leibniz. Para naman kay Leibniz, hindi problema ang pag-eeksistensya ng Diyos at ang pagkakaroon ng kasamaan ng sabay sapagkat naniniwala si Leibniz na hindi naman ang pinakamabuti ay ang isang mundong walang kasamaan. Naniniwala si Leibniz sa pagkakaroon ng kasamaan na nagdudulot ng higit na kabutihan, at nakikita nating dito niya gustong ipakita na ang Diyos ay pumili pa rin ng pinakamainam na kondisyon para sa mundo sa pagkakaroon ng kasamaan sa mundo. Nakikita dito ang problema ng kalayaan na tila’y iwinawalang-bahala ni Hume sa kanyang argumento, na parang ang Diyos ay nararapat na alisin ang kalayaan ng lahat ng tao, kung kaya’t wala siyang pahihintulutang kasamaan.
Malinaw ang pagkontra ni Leibniz kay Hume sa puntong ito dahil sa napatunayan niyang hindi naman kinakailangan ang mawala ang kasamaan sa buong mundo upang maging pinakamainam na mundo ito. Ipinapakita ni Hume na kung may mas higit na kabutihang maidudulot ang pagkakaroon ng kasamaan, mas mainam ito kaysa sa hindi pahintulutan ang kasamaang ito at alisin ang kalayaan ng tao.
Sumasang-ayon man ako sa mga punto ni Leibniz ukol sa pagkakaroon ng Diyos sa harap ng laganap na kasamaan, hindi naman nag-aalok ng tugon sa problema ng kasamaan si Leibniz, bagkus, tinatangka niya lamang wastuhin ang ilang mga maling argumento ukol sa problema ng kasamaan. Tama man ang mga argumento ni Leibniz upang ipakita ang posibilidad ng pagkakaroon ng Diyos kahit na laganap ang kasamaan sa mundo, malaking-malaki pa rin ang suliraning kinahaharap sapagkat wala pa rin tayong nakikitang paraan upang lubusang unawain ang problema ng kasamaan at lampasan ang mga pawang argumentong panlohikal na ginagamit ni Leibniz. Kung gayon, nararapat tayong tumingin kay Hick upang makita ang tamang tugon: na sa halip na tingnan ang nakaraan, kailangang bumaling sa hinaharap upang maaninagan ang misteryo ng kasamaan. Kailangang bumaling sa hinaharap, at ito’y magagawa ng pananampalataya lamang.
Alam nating laganap ang kasamaan sa mundo sa kasalukuyan. May mga taong katulad ni Hume na nangangahas itanong at pagdudahan ang pag-eeksistensya ng isang mabuting Diyos sa harap ng ganitong kasamaan. Bilang tugon, naniniwala si Hick na mas mahalagang tumingin sa hinaharap at hindi sa nakaraan upang maunawaan ang misteryo ng kasamaan. Paano niya ito nasabi? Sa ating pag-uunawa, alam nating nilikha tayon ng Diyos sa kanyang imahe at wangis. Para kay Hick, ang pagiging kawangis natin sa Diyos ay isang paglalakbay na kailangang tahakin. Hindi pa tapos ang paglilikha sa atin ng Diyos dahil kailangan pa nating gawin ang ating tungjulin upang mabuo ang ating diwa.
Mayroong dalawang nibel ang ating eksistensya: ang Bios, o pisikal na buhay, at ang Zoe, ang antas ng eternal. Ang mainam sa atin ay tumahak mula sa Bios patungong Zoe, at hindi ang Diyos lamang ang gagawa nito para sa atin. Hangga’t nabubuhay tayo, nararapat isipin na hindi pa tapos ang paglalakbay na ito, at kung gayon, mas umaasa tayo sa hinaharap. Sa ating pagtingin sa hinaharap, nawawala ang kawalan ng pag-asang idinudulot ng pagtingin sa nakaraan. Ang misteryo ng kasamaan ay hindi malulutas sa pagninilay sa nakaraan sapagkat ang nakaraan ay isang bahagi lamang ng ating proseso upang mabuo ang pagkatao.
Hindi tayo maaaring bumaling sa hinaharap na walang kaakibat na pananampalataya. Ang hinaharap ay walang katiyakan, at nararapat nating isipin na kailangan natin ng kaagapay sa ating paglalakbay sa ‘di pa tiyak. Ang Diyos, bilang walang-hanggan, ay mainam nating pagbalingan ng ating pananampalataya dahil sa kakayahan Niyang maging gabay sa atin. Alam nating hindi tayo perpekto, subalit may huwaran tayo sa Diyos na siyang nagiging layunin o telos natin sa ating paglalakbay patungo sa antas ng Zoe. Marahil, isipin nating may maaaring maging angkop na tugon sa suliranin ng kasamaan, at malinaw na makikita ito sa hinaharap lamang. Kung wala tayong pananampalataya, hindi tayo makakabaling sa hinaharap sapagkat bilang mga limitadong tao lamang, hindi natin nakikita ang kabuuan ng Plano ng Diyos, na ang mga bagay na sa tingin natin ay masama ay makakapagdulot pala ng higit na kabutihan. Ang pinakaposibleng magandang mundo ay hindi isang hedonistang mundo kundi isang mundo kung saan Malaya ang taong tahakin ang landas sa kanyang katuparan. Kung gayon, bakit pa tayo titingin sa nakaraan, na isa lamang bahagi ng paglalakbay na iyon? Hindi ba’t mas mainam na tumingin sa hinaharap dahil doon ang ating pag-asang baguhin ang kasalukuyan upang maabot ang telos ng pananampalataya? Ang tao ay tao na; ngunit sa pagbaling niya sa hinaharap, sa tulong ng Diyos, ay nagpapakatao pa rin.
6. Anong mga tanong ang lumilitaw sa harap ng pluralidad ng mga pananampalataya? Ano ang mga sinasabi nina Hick at Plantinga tungkol dito?
Malaking talakayin ang pluralidad sapagkat ito ay isang malaking pagbabago ng pagtingin sa mga iba’t-ibang relihiyong nakikita natin. Itinatanong nito kung talagang sa iisang relihiyon lamang namamalagi ang katotohanan, o maaari bang ang lahat ng iba’t-ibang relihiyon ay may nasasagap na mga butil ng katotohanan, kung kaya’t nararapat na manatiling bukas ang tao sa mga iba’t-ibang relihiyon na ito.
Si Hick, bilang isang pluralista, ay naniniwalang ang mga relihiyon ay may kani-kanilang butil ng katotohanan kung kaya’t nararapat isipin, para sa kanya na ang pagiging bukas sa mga katotohanang ito ang siyang makakatulong sa ating mapayabong at mapatindi ang ating pananampalataya. Nauunawaan niya ang pagpapamalas ng Panginoon sa iba’t-ibang tao sa iba’t-ibang lugar at iba’t-ibang panahon. Naunawaan din niya ang pagiging limitado ng perspektiba ng tao sa harap ng isang walang-hangganang Diyos, kung kaya’t hindi maiiwasang maging limitado din ang kani-kanilang pagkakasagap ng konsepto ng isang Panginoon.
Gumamit si Hick ng isang analohiya upang mapalinaw ang kanyang punto. Inihalintulad niya ang mga tao sa mga taong bulag, at ang konsepto ng Panginoon sa isang dambuhalang elepante. Ang isa ay nakahawak sa ilong ng elepante at naniwalang ito ay isang malaking ahas. Ang isa naming bulag ay nakahawak sa isang hita ng elepante at tinagurian itong isang buhay na poste. Ang ikatlong bulag ay humawak sa sungay ng elepante at naniwalang isa itong patalim. At nagpatuluy-tuloy pa ang mga limitadong haka-haka, at ang mga bulag ay nag-away-away dahil iba-iba ang naging perspektiba nila sa parehong bagay. Naniniwala ang bawat bulag na siya lamang ang tama at mali ang iba, subalit lingid sa kaalaman nila, lahat sila ay mayroong pagkakatama, ngunit dahil hindi nila nasagap ang kabuuan ng elepante bilang isang elepante, hindi ganap ang kanilang pagkakatama.
Kung ihahalintulad natin ito sa pagkakaunawa ng tao sa Panginoon, nakikita nating ang ultimong banal na katotohanan ng Panginoon ay walang-hangganan, at hindi ito maaaring matanto ng lubusan ng isipan ng tao. Bilang mga limitadong tao, ang napagtatanto lamang niya ukol sa Diyos ay ang mga bagay na maaaring maipamalas sa kanya sa kanyang sosyolohikal, historikal, maaaring ekonomikal, at heograpikal na katayuan. Sa harap ng ganitong pag-uunawa, naniniwala si Hick na hindi tamang tagurian natin ng kaagaran ang mga relihiyong iba sa atin bilang mali at di-makatotohanan sapagkat sa katayuan nila ng magpamalas ang Panginoon sa kanilang pananampalataya, iyon ang nakayanan nilang mapagtanto ukol sa Panginoon, at hindi naman iyon masama kung talagang iba o minsan pa’y tumataliwas ang kanilang napagtanto sa ating naunawaan ukol sa sarili nating pananampalataya.
Ang isang pluralistang mundo ay magiging isang mundo kung saan bukas ang mga iba’t-ibang pananampalataya sa isa’t-isa, kung saan ang mga bagay kung saan sila’y nagkakatugma ay nagiging mga punto ng usapin, at unti-unting nakakaimpluwensya ang mga relihiyon sa isa’t-isa. Lampas pa sa ultimong pagsasanib ng iba’t-ibang relihiyon, na pawang ideyal lamang, mas mainam ang isang kakaibang eskatolohikal na pagkakaisa ng mga relihiyon bilang mga relihiyong nagiging ganap at nalalampasan- ganap sa pagiging totoo, nalalampasan dahil hindi pa ito ang kabuuan ng katotohanan. Dahil ang relihiyon ang siyang umaakay sa atin patungo sa kabuuan ng katoohanan, kapag nakarating na tayo sa kabuuang ito, hindi na natin kailangan ng kaagapay, kung kaya’t sa buhay na walang-hanggan, wala ng lugar para sa pananampalataya.
Si Alvin Plantinga naman ay tahasang tumataliwas kay Hick sa pagiging bukas sa iba’t-ibang relihiyon, subalit ginagamit lamang niya ang punto ng pagtatanggol sa mga itinuturong kamalian ng mga eksklusibista, at hindi niya lubos na ibinigay ang mga kabutihang naidudulot ng pagiging eksklusibista.
Unang-una, naniniwala si Plantinga na hindi makatarungang ibintang sa isang eksklusibista na siya ay mayroong moral na pagkakamali sapagkat maging ang pluralista daw, kung gayon, ay may pagkakamali din. Naniniwala siya na ang pagsabi na arogante ang isang eksklusibista sa kanyang pananatiling sarado sa ibang relihiyon kahit na nakita niya ang mga nais isaad ng mga ito ay mali. Ayon kay Plantinga, kung siya ay naniniwala sa isang pananampalataya at may makatalaban siyang hindi handang tumalima sa kanyang mga sinasabi, maaari niyang gawin ang isa sa tatlong bagay: (1) manatili sa kanyang pananampalataya; (2) bitawan ang kanyang pananampalataya; o (3) maging isang pluralista, na sa kanyang tingin ay ang pagsasabing mali ang lahat ng relihiyon, subalit may kani-kanilang butil ng katotohanan.
Dito nagmumula ang punto ni Plantinga: kung arogante ang eksklusibista sa pagsabing ang relihiyon niya lamang ang tama, nangangahulugang arogante rin ang pluralista sa pagsabing ang landas ng pagiging bukas lamang ang tama. Para kay Plantinga, sa ganitong pagtingin, pare-pareho lamang ang pagka-arogante ng tao kung magiging tama ang bintang sa isang eksklusibista. Walang takas ang pluralista sa ganitong lohika, sa unang tingin, subalit wala nga ba talaga?
Ang hindi nauunawaan ni Plantinga ay ang katotohanang ang lente ng isang eksklusibista ay ibang-iba sa lente ng isang pluralista. Mas bumababad ang eksklusibista sa nilalaman ng bawat relihiyon, at ang pagtingin kung tama o mali ang lahat ng ito. Mas kumikiling naman ang pluralista sa prinsipyo ng pagiging bukas sa mga katotohanan ng iba’t-ibang relihiyon. Hindi ito pagiging arogante sapagkat hindi naman pareho ang kanilang lenteng ginagamit, at sa lente ng pluralista, wala namang lugar para sa pagiging arogante, sapagkat ito ay pawang pagtanggap sa isang prinsipyo, at hindi isang pagsuri ng mga nilalaman ng bawat relihiyon.
Maaaring tumitindi ang pananampalataya ng isang eksklusibista sa kaniyang sariling relihiyon, subalit sa pananatiling sarado sa mga nasasaad na katotohanan ng ibang mga pananampalataya, nananatiling higit na limitado ang kakayahan niyang tumahak patungo sa ganap na pag-uunawa sa kabuuan ng katoohanan ng Diyos.
7. Paano inuunawa ni Tillich ang pananampalataya? Ano ang kahulugan niya nang sabihin niyang “ang bagay na siyang pinakahuhulugan ng akto ng pananampalataya ay hindi maaaring masagap sa ibang paraan maliban sa mismong akto ng pananampalataya”?
Naniniwala si Tillich na ang pananampalataya ang ultimong pinagkakaabalahan. Marahil, may mga taong ginagawang ultimong pinagkakaabalahan ang mga ibang bagay, subalit sa pagtalakay muna kung ano ba talaga ang ultimong alalahanin, makikita natin kung bakit ang pananampalataya ang pinakamainam na maging ultimong alalahanin ng tao.
Ang isang ultimong alalahanin ay humihingi mula sa tao. Hindi ito humihingi lamang ng kanyang oras, o ang kanyang pagpupunyagi, kundi hinihingi nito ang kabuuan ng kanyang pagkatao. Maaaring maging ultimong alalahanin ng tao, halimbawa, ay salapi. Hinihingi ng tawag ng salapi ang kabuuan ng tao, at marahil maitanong, bakit niya naman ibibigay ang kabuuan ng kanyang pagkatao sa kanyang ultimong alalahanin? Kasabay ng isang ultimong alalahanin ay isang pangako. Nakakapaloob sa pangakong ito ang nagiging motibasyon ng isang tao na ibigay ang kanyang kabuuan para sa kanyang ultimong pinagkakaabalahan, at ang banta na hindi niya ito makamit sa hindi pagbibigay ng kanyang kabuuan ang higit pang nakakapagpatindi ng kanyang motibasyon.
Ang pinagkaiba ng pananampalataya sa ibang maaaring maging ultimong alalahanin ay ang kaakibat nitong walang-hanggang kalikasan. Salapi, kapangyarihan, katanyagan, o iba pa: lahat ng ito ay may hangganan. Sa pananampalataya, na siyang nangangako ng walang-hanggan, nakikita natin ang napakalaking halaga ng pananampalataya. Dahil ang pananampalataya ay ganito kahalaga, nangangahulugang isang naka-sentrong pagkilos ang pananampalataya. Ang pananampalataya bilang ultimong pinagkakaabalahan ay isang pagkilos ng buong pagkatao. Higit pa rito, ang pananampalataya ay hindi lamang ang suma total ng mga bunga ng mga baha-bahagi ng pagkatao. Lumalampas ang pananampalataya sa lahat ng mga ito, maging sa kabuuan ng lahat ng mga ito, at ang pananampalataya mismo ay may sariling naidudulot sa bawat aspeto ng pagkatao.
Ang pananampalataya bilang isang naka-sentrong pagkilos ay ekstatiko: lumalabas ang tao sa kanyang sarili, ngunit hindi siya tumitigil sa pagiging kanyang sarili. Lahat ng kanyang mga aspeto ay nagsasanib sa isang personal na sentro.
Bilang ultimong alalahanin, ang pananampalataya ay nararapat na hindi kondisyonal. Diyan naiiba ang pananampalataya sa ibang mga maaring maging alalahanin, sapagkat ang salapi, o kapangyarihan, o anupaman, ay kondisyonal. Dahil ang pananampalataya ay walang-hanggan, ito ay hindi kondisyonal, sapagkat sumasagap ito sa lahat ng mga tao. Marahil, ang isang taong nag-iisa sa isang isla ay hindi nasasagap ng pangangailangan ng salapi o katanyagan. Kung gayon, pananampalataya lamang ang walang inililiban. Ang alalahaning walang kondisyon, na siyang pananampalataya, ay ang alalahanin ukol sa walang kondisyoon. Ang walang-hanggang paghahangad, na siya ring pananampalataya, ay ang paghahangad sa walang-hanggan. Mula sa isang subhetibong pagpapahalaga sa pananampalataya bilang isang naka-sentrong pagkilos ng pagkatao, napupunta tayo sa obhetibong kahulugan ng pananampalataya: ang telos kumbaga ng pananampalataya.
Lahat ng ibang alalahanin ay may kani-kaniyang telos, subalit hindi naman ito talaga ang pinaka-telos. Ang salapi ay mayroon pang bibilhin. Ang kapangyarihan ay mayroon pang sisindakin. Ang pagkapanalo ng UAAP basketball ay isang paghahangad sa mga bonus ng mga gurong lubos ang pagkakagalak sa pagkapanalo ng Ateneo. Maging ang mga iba pang hangarin lampas sa unang “telos” ay may kani-kanila pa ring hangarin: karangyaan sa una, seguridad sa ikalawa, at mas matataas na grado sa ikatlo. At hindi pa tumitigil doon! Ang telos ng pananampalataya naman, ang Diyos, ay wala ng iba pang hangarin lampas dito. Bilang ultimo, walang kondisyon, walang hanggan, at absoluto, ang kaibahan ng subhetibo sa obhetibo ay nawawala. Wala ng ibang bagay ang may ganitong katangian, kung kaya’t ang totoong pagka-ultimo ay nasa pananampalataya at sa pananampalataya lamang.
Iyan ang pinagkaiba ng totoo at idolatriyang pananampalataya: na walang hangganan ang una, habang mayroon ang ikalawa, na nagdudulot ng eksistensyal na pagka-dismaya sa isang may-hangganang tinangkang ituring na walang-hangganan.
Sa kadahilanang ito, wala na ngang iba pang maaaring makasagap ng pinakakahulugan ng pananampalataya, na ang Diyos, maliban sa akto mismo ng pananampalataya. Kung ating iisipin, sa larangan ng mga senyas at simbolo, ang simbolo ng Diyos ay ang Diyos lamang, at wala ng iba pang bagay ang may ganitong katangian. Sa harap ng kaalamang ito, ang pananampalataya, dahil ito ay gumagabay sa atin sa walang-hanggan, ang katangi-tanging paraan upang ating masagap ang pinakakahulugan ng walang-hanggan. Hindi natin matatagpuan ang walang-hanggan saan pa man, sapagkat gaya nga ng unang nasaad, ang pagtingin sa isang bagay na may hangganan bilang walang hangganan ay magdudulot lamang ng eksistensyal na pagka-dismaya.
Para kay Tillich, ang pananampalataya bilang ultimong alalahanin ay siyang alalahanin tungkol sa ultimo. Ang paggabay ng pananampalataya sa atin patungo sa Diyos ang siyang paraan upang ating masagap ang Diyos bilang subheto at obheto, na siyang maaaring makamit lamang sa pamamagitan ng pananampalataya at wala ng iba.
8. Inuunawa ni Meister Eckhart ang kalayaan sa isang radikal na paraan. Tinatawag niya itong Gelassenheit, o mapagpalayang pagpapaubaya. Ano ang kahulugan nito? At ano ang kinalaman nito sa ating pakikiugnay sa Diyos?
May kasabihan si Meister Eckhart na “Panginoon, iwaksi mo sa akin ang Panginoon.” Dito niya isinasaad ang kanyang matinding mithiin: na maging parang isang birhen, matapos noon ay maging mabunga. Sa pagiging isang birhen, nagiging konsepto ni Meister Eckhart ang pag-aalis ng mga iba’t-ibang imahe ukol sa mga bagay upang hindi malito sa mga iba’t-ibang naisasaad ng mga imaheng ito ukol sa mga bagay. Kung gayon, ang unang hakbang ay ang tinatawag na paghihiwalay, o sa Aleman, Abgeschiedenheit. Ang ikatlong hakbang naman, ang pamumunga, ay hindi na hawak ng tao sapagkat ang Panginoon lamang ang makakapagpabunga ng hinasik o itinanim ng tao, kung kaya’t nararapat na hindi ito pag-usapan gaano, sapagkat mas mainam talakayin ang bagay na ating maaaring pangahawakan, at iyan ang mapagpalayang pagpapaubaya, o Gelassenheit.
Ang Gelassenheit ay hindi isang pagsasawalang-bahala, na halimbawa’y mayroong ninanakawan na kaharap natin, sasabihin lang natin, “Ah, Gelassenheit. Hayaan ko na lang itong nakawang nagaganap sa aking harapan.” Sa halip, ang Gelassenheit ay hindi pasibo kundi aktibo: isa itong pagpapalaya ng isang bagay upang mapaubayahan itong maging kung ano talaga ito. Kung gayon, ang Gelassenheit ay ang paggamot sa pakpak ng isang ibon upang makalipad ito muli, at hindi ang pagpapabayang manatili itong sugatan at hindi makalipad. Ang Gelassenheit bilang isang konsepto ng mapagpalayang pagpapaubaya ay mayroong matinding pagtawag ng aktibong pagkilos para sa atin. Ang pagkilos natin ay nararapat na mapagpalaya, hindi lamang “mula sa”, kundi maging “para sa”. Hindi lamang malaya ang nabanggit na ibon “mula” sa mga sugat nito, ngunit malaya na rin ito “para sa” paglibad, na siyang kalikasan nito.
Sa ating pagturing sa mga bagay ng ganito, nagkakaroon ng panibagong pakikitungo sa mga bagay, at pumapagitna rin ito: hindi nito inaalis ang halaga ng bagay, subalit hindi rin nito binibigyan ang mga bagay ng lubos na halaga. Dahil sa panibagong pakikitungo sa mga bagay, naiiba ang ating pagtingin sa mundo, at kung tama ang ating pagtingin sa ating mapagpalayang pagpapaubaya sa mga bagay sa mundo, mas makakayanan nating maunawaan ang kalikasan ng Panginoon mismo.
Sa dami ng mga napag-aralan nating mga konsepto ukol sa Panginoon sa nagdaang semestre, mula sa pagiging lubos ang kapangyarihan, sa pag-eeksistensya o sa di-pageeksistensya, hanggang sa pagiging mapagmahal o mapaghiganti ng Panginoon, marahil ay pawang kaguluhan na lamang ang ating pagkakaunawa sa Panginoon. Nararapat nating isipin na ang ating pagturing sa mga bagay na ating nababatid ay malamang na magsasaad kung paano natin maituturing ang Panginoon, na hindi natin maaaring mabatid. Makakahadlang sa ating mainam o optimal na pakikitungo sa Diyos ang maling pakikitungo sa ibang mga bagay, na halimbawa’y mas nagiging mahalaga pa sa ating buhay ang bago nating kotse. Sa ating maling pakikitungo sa mga bagay, sa lubos na pagpapahalaga, o sa lubos na pagpapawalang-halaga, nasisira ang ating pakikitungo sa Diyos, na marahil hindi natin maibigay ang tamang pagturing sa Kanya, bagkus mga baluktot na mga konsepto lamang ang ating naiisip tungkol sa Kanya.
Maging ang Diyos ay nararapat ding isama sa Gelassenheit. Sa ating pakikitungo sa ibang mga bagay, na hinahayaan natin ang isang bagay na maging kung ano talaga ito, na walang pagkiling sa ating mga ninanais, o mga eksperimento, mas nararapat na hayaan ng tao na ang Diyos ay maging Diyos. Hindi siya isang vending machine na kung saan kung ipagdasal ng Ateneo ng mas maraming beses na manalo ang Blue Eagles, wala nang magagawa ang La Salle para manalo. Hindi natin maaaring sindakin ang Diyos na tila mapipilit natin Siyang ibigay ang ating ninanais sa pagbabantang hindi na tayo maniniwala sa Kanya kung hindi niya tutugunan ang ating panalangin.
Kung gayon, ang Gelassenheit ay isang malayang pagpapaubaya para sa atin, kung saan gagawin nating tama ang ating pakikitungo sa mga iba’t-ibang bagay, na nagkakaloob tayo ng ankop na nibel ng pagpapahalaga sa mga bagay, walang kulang o labis. Sa Panginoon naman ay nararapat ang lubos na pagpapahalaga, subalit nararapat ring hayaan natin ang Diyos na maging Diyos, na wala tayong ipinapataw na mga absurdong konsepto sa Kanya, at sa ating mapagpalayang pagpapaubaya sa Diyos na maging Diyos, higit pang mapapalalim ang ating pakikipag-ugnayan sa Kanya.
No comments:
Post a Comment