Friday, December 08, 2006

Lyrically Speaking Scribbles Part III

.:Lyrically Speaking Scribbles, Part IV:.

Nakapagtataka
by Apo Hiking Society

Walang tigil ang gulo sa aking pag-iisip...

Hindi ko maunawaan kung bakit kinakailangang ganito. Away-bati. Away-bati. Nagugulumihanan ang aking pag-iisip sa nangyayari sa atin.

Ang bilis.

Ang bagal.

Ang tamis.

Ang pait.

Ang lahat-lahat.


Mula nang tayo´y nagpasyang maghiwalay...

Nawawala, bumabalik. Heto na naman. Heto na naman ang matinding kirot sa aking dibdid, ngayong nakikita ko muli kung ano ang nangyayari sa atin.

Palagi na lamang may humahadlang. Palagi na lang may balakid. Kahit mawala pa ang lahat ng mga humahadlang sa ating paligid, tayo mismo ang humaharang pa rin sa sarili nating kaligayahan.

Bakit ganito? Bakit kailangang magpaalam?


Nagpaalam pagkat hindi tayo bagay...

Na kahit mayroong nadarama... puso't isipa'y magkaiba...

Marahil nga, hindi lang laan sa isa't-isa.

O marahil, hindi lang tayo nagsikap ng sapat...

Hindi ko alam. Hindi ko talaga alam kung kulang pa ang ating ginawa para sa ating dalawa.


Nakapagtataka, oh...

Nakapagtataka talaga. Nandito pa rin ang damdamin ko para sa iyo. Ayaw mawala. Hindi maibsan. Kahit ilang beses na tayong nagkasakitan, sa napipintong pagdating ng
Pasko, lalo lamang ako nangungulila para sa iyo.

Hanggang ngayon, kahit na ganito pa ang nangyayari sa atin.


Kung bakit ganito ang aking kapalaran Di ba´t ilang ulit ka nang nagpaalam...

Puro na lang paalam. Puro na lang "tama na". Puro na lang "ayoko na".
Ilang beses mo na iyan nasabi sa akin, at ako naman si tanga, paulit-ulit naniniwalang ito na nga ang huling beses kitang makakausap o masisilayan man lang.

Pero maya't-maya, lalapit ka na naman. At kahit sino pa ang mali, ako pa rin si tanga, tatanggapin ang iyong alok na muling mag-usap, na umaasang sa likong paraan, maunawaan mo kung gaano kahalaga ka sa akin. Na sana, sa likong paraan, maantig ka naman sa mga nangyayari sa atin...

Ito na nga ba ang huling beses? Parang hindi. Kilala na kita. Babalik at babalik ka rin...


At bawat paalam ay puno ng iyakan
Nakapagtataka, nakapagtataka...

Bawat paglisan mo ay tila ang unang beses.

Hindi na ako natuto.

Nakapagtataka talaga.


CHORUS:

Hindi ka ba napapagod, O di kaya´y nagsasawa...

Pagod na ako. Sobrang pagod sa paulit-ulit na nangyayari sa atin. Para tayong sirang plaka na walang kahahantungan kundi ito ng ito ng ito ng ito lamang.

Nakakapagod. Nakakasawa. Ngunit ano ba ang iba kong magagawa maliban sa umasa? Iyon na nga lang ang kaya kong pangahawakan, eh.


Sa ating mga tampuhang Walang hanggang katapusan...

Away-bati. Away-bati. Wala na nga bang katapusan ang ganitong pakikipag-ugnayan sa iyo?

Sana naman, hindi. Sana naman, matanggap mo na lang na tunay ang damdamin ko, at wala ka sa lugar na ako pa ang iyong pagdudahan.

Sino ka ba?

Sa tingin mo ba, may mapapala ka sa kadududa mo sa aking katapatan, samantalang mas dadali ang buhay nating dalawa kung kapwa na lang tayo makisama sa isa't-isa?

Ewan ko sa iyo. Ang labo mo.


Napahid na ang mga luha, Damdamin at puso´y tigang...

Hindi ko na makuhang iyakan ka pa. Siguro, unti-unti na akong namamanhid sa paulit-ulit mong pag-alis at pagbalik, sa paulit-ulit mong pagbawi ng sarili mong mga salita.
Hindi ko na nga alam kung bakit pa ako naniniwala sa iyo, eh. Ang tanga ko rin talaga minsan.

Pero ganun, eh.

Kasi mahal pa rin kita, kahit ganito ang nangyayari sa atin.


Wala nang maibubuga, Wala na ´kong maramdaman...

Minsan talaga, namamanhid na lang ako na tila ba wala na akong madamang galit o sakit o takot o kahit anupaman.

Minsan, kinakabahan ako na nasasanay na ako na puro ganito na lang ang napapala ko sa pagmamahal ng isang tao.

Akala ko pa naman, magiging iba ka sa kanila. Na magiging totoo ka sa iyong mga salita, at mauunawaan mong hinding-hindi ako magkukubli sa iyo ng tunay kong nadarama.


BRIDGE:

Kung tunay tayong nagmamahalan Ba´t di tayo magkasunduanOh, oh...

Kahit naman hindi tayo nagmamahalan, hindi man lang ba natin makuhang magkaunawaan?

Away-bati. Away-bati. Bakit masyado tayong mapagbigay sa isa't-isa at paulit-ulit tayong nagpapatawaran, ngunit sa dulo, lalo lang tayo nagkakasamaan ng loob?

Hindi ba natin kayang mabago ito?

Huli na ba ang lahat para sa ating dalawa?


Walang tigil ang ulan At nasaan ka, araw...

Ang hirap ngumiti kung umpisa pa lang ng araw, sirang-sira na dahil sa
dinadala mo.

Nakakalula din kung gaano kabilis ang mga naging pangyayari, at ngayon, para bang hindi na bumalik ang sinag ng araw sa buhay ko...


Napano na´ng pag-ibig sa isa´t-isa Wala na bang nananatiling pag-asaNakapagtataka, saan ka napunta?

Oo, tanggap ko naman na hindi mo nadarama ang nadarama ko para sa iyo.
Pero kailangan mo bang pagdudahan ang aking katapatan?

Masakit. Nakakainsulto. Ano ba ang karapatan mo para idikta sa akin kung paano ako dapat nakakadama?

Sana naman, hinay-hinay ka lang sa puso ko. Masyado na akong nasasaktan minsan sa ginagawa mo, eh, tapos ikaw pa ang may ganang magalit...

Kung tunay tayong nagmamahalan, o nagmahalan man lang, o magmamahaln pa lang, o anupaman, bakit hindi natin makuhang magkaunawaan? Bakit hindi natin makayanang magkasunduan?

Sana naman, napapagod ka na rin sa paulit-ulit nating mga tampuhan. Sana naman, maisip mo na wala tayong mapapala kung patuloy lang tayo sa kahibangang ito. Maawa naman tayo sa ating mga sarili. Tama na. Sobra na.

Ayokong humantong sa puntong bato na ako sa iyo. Ayokong humantong sa puntong kamumuhian kita at nanaiisin kong lahat ng kamalasan ay dumalaw sa iyong buhay. Wala tayong mapapala kung ganoon...

Sana naman... hindi naman ito para sa akin lang... para sa atin ito.

Salamat sa iyong panahon.

1 comment:

Anonymous said...

I just can't help but notice some references to songs of Gary V :)

Alam ba nya na nasasaktan ka pa rin sa pagiging malamig-mainit ng pakikitungo nya sa'yo? Baka parang normal lang sa kanya ang mga senyales na nasasaktan ka na pala.

Alam ba nya na iniisip mong baka pinagdududahan ka pa rin nya? Tinanong mo na ba sya ng harapan kung ano ang duda nya sa pag-big mo? Sya lang ba o pati ikaw ay may duda?

Sabihin mo na kung anong gusto mo.

To settle if you should go on with this on-off relationship/affair, you should be the first one to open up next time you meet. Let her know what you really want to say, no matter how hard or harsh it is for you or for her. Sometimes you have to hurt the one you love to show that you indeed love them although we often feel guilty after doing that because we see them cry.

You deserve to be loved. You know you do. Show her you deserve it.

This is the season for relationships. I hope you end this year with good one.

Take Care.