Wednesday, February 23, 2005

YES, I ANSWERED 1-10 ALREADY!!!

.:Thesis Statements:.

Dahil medyo ginanahan ako, naisipan kong sagutin ang ilan sa (Hindi lahat!) mga thesis statements ni Doc dito. Hindi ko sasagutin ng buo ang mga tesis, lalo na kung kailangang hanguin ang sagot mula sa libro. Simpleng pagpapaliwanag at mga halimbawa lamang ang balak kong ibigay, at ituturo ko na rin kayo sa mga nauna kong mas detalyadong mga sagot ukol kina Aristoteteles at Kant noong si G. Bulaong pa ang guro ko sa Ph 104.

Mangyari lamang na pagbigyan ako sa tatlong mga hiling:

1.Huwag ninyong ulitin
verbatim ang mga sagot na aking ibibigay. Unang-una, hindi ko sasagutan ang mga tesis sa paraang makapagbibigay ng “A” (Dahil tinatamad ako. Bwehehehe.). Ikalawa, binabasa ito ni Doc, kaya alam na alam niya kapag inulit niyo lamang ang aking sinabi. Ikatlo, kung magagamit ko ang mga Ingles kong sagot noon kay G. Bulaong, gagamitin ko dito bilang hyperlink na lamang kaysa isulat ko pa ulit.

2.Kung may panahon kayo na magbigay ng mga komento sa mga sagot na ito, o sa mga iba pang nilalaman ng
weblog na ito, may comment link sa baba ng bawat mga paksang nais ninyong bigyan ng komento. Maaari ninyo iyang gamitin upang magtanong.

3.
Grad pics. Kung hindi ikabibigat ng inyong mga loob, manghihingi lamang ako ng grad pics sa mga una kong naging estudyante sa aking paumpisa pa lamang na pakikipagsapalaran sa pagtuturo, kahit bilang isang katuwang sa pagtuturo lamang. Hayaan niyo na ako. May pagka-senti din minsan.

1. Nagmumula, subalit lumalampas sa kasaysayan ang mga pagpapahalagang moral. Nagsisilbing uliran ang naunang mga pilosopo para sa mismong pagpapasya ng tao sa sariling kasaysayan.

Hindi nakukuha mula sa kawalan, o sa isang “
vacuum” ang mga pagpapahalagang moral. Malinaw na malinaw ito sapagkat sumasailalim ang lahat ng tao sa daloy ng panahon, at kung gayon, sumasailalim ang lahat sa daloy ng kasaysayan. Katulad ng tao, may iba't-ibang mga pagpapahalagang moral na lumalabas nang naaayon sa panahong kinasasangkutan nito, subalit gaya ng nakita natin kina Aristoteles, Sto. Tomas, Kant, at Scheler, lumalampas sa kasaysayan ang mga pagpapahalagang moral na ito. Nagmumula ang lahat sa mga tawag ng kani-kanilang panahon, maging ang sinasabing “a priori” ni Kant na kategorikong imperatibo, na kanyang naisip dahil sa rebolusyong Pranses.

Ilang libong taon na ba ang nakaraan mula ng nailahad ni Aristoteles ang kanyang mga kaisipan sa Etikang Nikomakeo? Maaaring naidulot ang kanyang sistema ng pagpapahalagang moral ng kasaysayan, ngunit malinaw na lumalampas ito sa kasaysayan, sapagkat akma pa rin ang kanyang mga kaisipan maging sa kasalukuyang panahon.

Hindi naman natin masasabing walang palugit ang mga sistema ng pagpapahalagang moral sapagkat kung ito ang mangyayari, ating tatalikuran ang pagiging malikhain ng tao at ng mga mismong unang nakapaglahad ng mga sistemang ito. Samakatuwid, nagiging huwaran ang mga naunang mga pilosopo para sa mismong pagpapasya ng tao sa kanyang kinagagalawang panahon.

Pag-isipan: sa ating pagtalima sa mga naunang pilosopo, masasabi ba nating ginagamit lamang natin sila bilang pamamaraan at hindi natin iginagalang ang sangkatauhan sa kanila?

2. Likas na mabuti ang tao; subalit aktibong pinipili ang pagpapakabuti. Nagiging maladiyos ang nagpapakamakadiyos.

Kung ating ipagpapalagay na nilikha tayo ng Diyos at mabuti ang Diyos, hindi mahirap ipagpalagay na mabuti ang kanyang mga nilikha, kabilang na siyempre ang tao.

Kung gayon, bakit maraming masasamang bagay sa mundo? Kung talagang mabuti ang lahat ng nilikha, bakit nakukuha ng ibang mga nilalang na gumawa ng mga karumal-dumal na mga kilos, katulad na lamang ni Hitler?

Sa ubod ng kabutihan ng siyang Maylikha, ipinagkaloob Niya sa kanyang mga nilikha, higit na sa sangkatauhan, ang kabutihan ng kalayaan. Higit na mas mabuti ang kalayaan kaysa ang paggawa ng pawang kabutihan dahil sa hindi ka malayang tumanggi dito.

Subalit hindi iyan ang punto na nais nating mailahad. Sa halip, mahalagang isipin na kahit na likas ang kabutihan sa tao, nararapat na aktibong piliin pa rin ang pagpapakabuti, hindi dahil hindi natin ito talagang kalikasan, subalit dahil bahagi ng ating mabuting kalikasan ang kalayaan, at ang paggawa ng mabuti ng mula sa kalayaan ang siyang pagpapatibay ng kalikasan ng tao. Sa Teolohiya, marahil malapit ang ganitong ideya sa “
Fundamental Option”.

Sa ating pagpapakatao, o sa ating pagtalima sa ating kalikasan, higit tayong nagiging maladiyos, sapagkat nilikha Niya tayo ayon sa kanyang wangis, na pawang kabutihan rin. Hindi natin maipaghihiwalay kung gayon na pagpapakadiyos na rin ang pagpapakatao. Kahit na ganito ang kaso, hindi pa rin malayong isipin na kinakailangang kumilos ang tao sapagkat hindi katulad ng Diyos, hindi pa ganap ang pagktao ng isang tao.

Pag-isipan: kung ayon kay Aristoteles, hindi ka maaaring lumabag sa iyong kalikasan, gaya ng batong hindi maaaring masanay lumipad kahit ihinahagis ito ng paulit-ulit, bakit nakakayanan ng taong tumanggi sa kanyang kalikasan?

3. May obhetibong kaayusan ang pagpapahalaga na matatalikuran lamang kung lalabagin ng tao ang kanyang sarili. Matatandaan ang pagtalikod na ito ng pagkalimot, kahayupan, pagwawala, pagkabagabag, pagkaalipin, at pagkamanhid.

Marahil naiisip ng isang estudyante ng Ph 104 kung minsan na kanya-kanya lamang ang moralidad, na pawang subhetibo lamang ito at relatibo sa kung anong sistema ang iyong inaayunan.

Maling-malin ang ganitong pagtingin.

Maaaring sabihin na may pagka-subhetibo ang mga pagpapahalaga sapagkat talagang may pagkakaiba ang mga pagpapahalaga ng mga tao, ngunit hindi maaaring ikaila na may obhetibong kaayusan ito. Hindi maaaring sabihin basta-basta na tama ang pumatay dahil lamang iyon ang punto de vista ng isang subheto. Nakikita nating mayroong mga malilinaw na patakarang ginagalawan ang mga pagpapahalaga.

Kung nakapaglaro ka na ng isang “
Role Playing Game”, hindi mahirap unawain ang konseptong ito. Maaaring matatapos mo ang larong iyon, at iyon nga ang obhetibong kaayusan nito, subalit ginawa mo pa rin ito sa iyong sariling paraan, gamit ang iyong sariling “character”, ang iyong sariling mga kagamitan, at iba pang mga bagay na nagmamarka sa iyong mga kilos bilang iyong-iyo lamang.

Dahil sa kalikasan ng tao, higit na nagpapalaya sa kanya ang pagsunod sa kung ano siya mismo: isang taong mayroong mga pagpapahalaga, at likas na mabuti. Kung ating gagamitin ang mga termino ni Padre Ferriols, bahagi ito ng kanyang pagmemeron. Sa kanyang pagmemeron, nararapat siyang umayon sa kanyang kalikasan, ngunit dahil sa kalayaan niya, may kapasidad siyang talikuran ito.

Kung itatanong natin sa ating sarili, talaga bang as higit kang lalaya sa sandaling talikuran mo ang iyong kalikasan? Kung sasagutin natin sa napakabruskong analohiya, mas saging ba ang isang saging na lasang napakasarap na mansanas, o isang saging na lasang saging? Hindi nakakapagpalaya ang pagtalikod sa sariling kalikasan, sapagkat ang iyong kalikasana ang batayan ng iyong pagmemeron. Sa sandaling talikuran mo iyon, kabaligtaran ng pagmemeron ang nangyayari: pagwawala. Napakaangkop ng salitang ito sa ating talakayan, sapagkat sa sandaling tinalikuran mo ang kung sino ka talaga, nagwawala ka at hindi ka nagmemeron.

Pag-isipan: gaano kadali ba ang talikuran kung ano ka talaga?

4. Arete: Ugaling pinipili mula sa medyo-medyang kaugnay ng nagpapasya nang ayon sa katwiran ng karunungang prakitikal. Apat ang kardinal na birtud: prudencia, katarungan, hinahon, lakas-loob.

Tingnan ang mahaba-habang paliwanag DITO.

Pag-isipan: Para sa iyo, ano ang pinakamahalagang kardinal na birtud? Bakit?

5. Katulad ng sining ang pagpapakabuti; subalit hindi ito basta sining.

Simpleng tanong lamang muna, bago ko masagot ng lubusan ito: paano nagkakapareho ang sining at pagkakabuti? Hindi ba't pareho silang pagsasanay at pagpapakahusay? Kung gayon, saan naman sila nagkakaiba?

Unang-una, ano ba ang sining? Masasabi nating isa itong kalinangan sa isang bagay, halimbawa, ang sining ng pagpipinta. Kung ating iisipin, walang manlilikha ng sining na hindi naglilikha ng sining. Malamang. Hindi ka matataguriang “magaling na pintor” kung hindi ka nagpipinta, kahit gaano pa karami ang iyong talento sa pagpipinta.

Ganito rin ang pagpapakabuti: para itong sining na nililinang sa ating buhay dahil hindi tayo maaaring maging mabuti kung hindi tayo gumagawa ng mabuti. Isa itong pagsasanay na sinasaklaw ang kabuuan ng ating pagkatao na siyang nagiging hamon ng ating panahon.

Nagkakapareho ang pagpapakabuti sa sining sa dahilang pareho silang kailangang gawin upang malinang, at hindi nasusukat ng pawang potensyal o talento lamang na hindi man lamang ginagamit upang linangin ang sining. Subalit, saan nagkakaiba ang sining at ang pagpapakabuti?

Malinaw na sa bawat sining, mayroong isang aspeto ng pagkatao na sinasaklaw. Hindi lamang isang pintor ang taong nagpipinta: marami pa siyang ibang mga bagay na ginagawa na hindi nasasaklaw ng kanyang pagiging pintor. Iyan ang pagkakaiba ng pagpapakabuti: nasasaklaw nito ang kabuuan ng pagkatao at hindi lamang isang aspeto nito. Kung isa kang mabuting tao, nakikita ito kahit na maging isa kang pintor, o musikero, o macho dancer (Uhh... siguro.). Dahil dito, masasabi nating mas malaki ang sakop ng pagpapakabuti dahil ang buong pagkatao natin mismo ang nakasalalalay dito.

Pag-isipan: kung papalitan natin ang salitang “sining” sa tesis na ito, anong salita ang maaari mong ipalit?

6. Konsiyensiya: ang paghatol ng katwiran na nakatuon sa mismong pagpapakatao. Sinasabi nito: “Ito ang kabutihang dapat mong gawin; ito ang masamang dapat mong iwasan.” Upang tumubo ang konsiyensiya, kinakailangan ang pagkaamo ng sarili, ang pagtataya sa kabutihan, ang isang mayamang karanasan sa buhay at ang personal na pag-ako sa halaga ng sarili.

Marahil napagdaanan na rin natin ang salitang konsiyensiya ng ilang beses na rin. Kapag may nagawa tayong bagay na hindi tayo mapalagay sa kakaisip, sinasabi nating nakokonsiyensiya tayo. Minsan, iniisip natin na napakalaya natin bilang tao kung wala tayong mga konsiyensiya.

Kung ating bibigyan ng isang bansag sa Ingles ang konsiyensiya, ito ang madalas kong tawaging “
moral compass”. Hindi siya isang depenitibong mapa na nagtuturo sa atin kung ano ang dapat eksaktong gawin, ngunit ginigiya tayo nito sa tamang direksyon upang gawin kung ano ang dapat nating gawin at iwasan kung ano ang dapat nating iwasan.

Kung iisipin nating nakakapagpalaya ang kawalan ng konsiyensiya, maling-mali ito. Sa simpleng pagtingin pa lamang, malinaw na isang mapagpalayang disiplina ang konsiyensiya. Kung titingnan natin ang naging mga pagmumuni ko ukol kay Kant sa ika-7 tanong, makikita ang kontrol sa sarili ng taong may konsiyensiya. Hindi mula sa labas dapat ang konsiyensiya, kundi isang “pagkaamo sa sarili”, na nangangahulugang hindi tayo magpapadala sa kung anu-anong mga bagay sa labas ng ating pagkatao na makaka-kontrol sa atin.

Sa ating pagpapapatubo ng konsiyensiya, higit tayong tumataya sa kabutihan, sapagkat nagiging bahagi na rin ng ating kasanayan ang paggawa ng mabuti, hindi dahil sa ito ang inaatas sa atin ng ating magulang o ng batas, kundi dahil ating pinili ito. Hindi ito pagpapahirap sa sarili, kundi pag-ako ng halaga sa sarili. Tayo ang sarili nating “
boss”, at hindi kung sino lamang na nagpapataw ng tungkulin sa atin, sapagkat inako na natin ang mga tungkuling ito bilang sariling atin. Sa ating mga karanasan sa buhay, ating napapatubo ang ating konsiyensiya.

Pag-isipan: Kung ang konsiyensiya ang talagang ikaw, paano natin maipapaliwanag ang mga taong nagpapakonsiyensiya sa ibang tao, o mas kakatwa pa, sa mga manika na akala mo namang kinakausap sila?

7. Sistematiko ang pilosopiyang moral ni Kant; subalit matutupad lamang ito sa masusing paggamit ng deliberasyon sa pang-araw-araw na buhay. May tatlong pagpapaliwanag sa imperatibong kategoriko: ang pagkaunibersal ng batas-moral, ang pagturing sa tao bilang dulo ng mga layunin, at ang awtonomiya ng pagpasya.

Tingnan ang mahaba-habang paliwanag DITO.

Pag-isipan: isipin ang iyong kurso. Isipin ang iyong nais marating sa buhay. Magagawa mo bang isang unibersal na batas ang bagay na nais mong gawin sa iyong buhay? Kung hindi, nangangahulugan bang hindi moral ang iyong pagnanais na maging doktor/abogado/macho dancer/atbp? Paano ang pagkamatay ni Kristo sa krus? Moral ba ito?

8. Katarungan: isang wastong sukat sa pakikipag-ugnayan na naaayon sa minimum na pagkapantay-pantay at maximum na proporsyon ng bukod-tanging galing at pangangailangan ng bawat isa.

Napakalawak ng usapin ukol sa katarungan. Unang-una, nakapagsulat ng isang buong aklat si Platon ukol dito. Ikalawa, napakaraming mga bagay ang isinasaalang-alang pagdating sa katarungan. Subalit sa kadulu-duluhan, makikita nating mahalagang bigyan ng pansin ang katarungan.

Sa sandaling nag-uugnayan ang mga tao, nararapat pag-usapan ang katarungan, sapagkat malaya man tayo, hindi tayo maaaring yumurak sa kalayaan ng iba. Iba-iba man ang mga tao, kinakailangan pa rin nating bigyan ng minimum na pagkapantay-pantay ang lahat ng tao: walang hindi nasasaklaw ng katarungan. Subalit, may pagka-relatibo pa rin ang katarungan, na nakikitang maksimum na proporsyon ng bukod-tanging galing at pangangailangan ng bawat isa.

Kung mayroong mag-aaral na nagkasakit sa araw ng kanyang bigkasang pagsusulit, halimbawa, nawalan ng boses, hindi makatarungang ibagsak na lamang siya dahil maaari mang pantay siya sa lahat ng mga mag-aaral bilang kapwa estudyante, ngunit sa pagtingin sa kaso mismo, bukod-tangi ang pangangailangan niya: paano siya makakapagsalita sa isang bigkasang pagsusulit? Kung gayon, nakikita natin na nagkakaiba talaga sila sa ganitong punto.

Ganito rin ang sistema ng edukasyon, masasabi mo bang makatarungang ituro sa mga batang limang taon ang edad kung paano isinasagawa ang sistemang moral ni Immanuel Kant? Siyempre, dahil kulang sila ng mayamang karanasan sa buhay, hindi ito maari, ngunit sa kabilang dako, mas makatarungang turuan ang isang bata na napakatalino ng ayon sa kanyang katalinuhan, upang mapagpatuloy ang paglilinang sa kanya. Muli, isa itong pagtingin sa kanyang pagkabukod-tangi.

Hindi naman natin sinasabing dapat bigyan ang lahat ng pagpapaliban. Hindi rin tayo tumataliwas kay Kant sa kanyang kategorikong imperatibo dahil maari namang ipataw ang unibersal na batas na “magkakaroon ng espesyal na konsiderasyon ang lahat ng taong mawalan ng boses sa araw ng bigkasang pagsusulit”. Pumapasa pa rin ito sa pagsubok ng unibersal na batas. Binibigyan lamang natin ng angkop na konsiderasyon ang pagkakaiba-iba ng tao, kung gagamitin ang lente ni Kant, upang magkaroon ng ayon na pagtingin sa tao bilang mga dulo at hindi lamang pamamaraan, at bilang pagpupugay sa pagkatao ng tao: sa kaniyang pagkabukod-tangi.

Pag-isipan: Paumanhin sa mga may kaibigang nag-aaral sa La Salle sa halimbawang ito. May mga kaibigan din akong La Sallista. Isiping huling laro ng Ateneo-La Salle sa kampeonato ng UAAP
Basketball. Halimbawang nawala ang jersey ni L.A. Tenorio at napilitan siyang magnakaw sa Blue Shop ng isa upang makapaglaro. Paano siya nagkakapareho at naiiba sa isang La Sallistang nagalit kay Tenorio dahil sa mga nagawa niyang puntos sa huling laro na iyon, at kanyang pinagnanakaw ang lahat ng mga jersey ni L.A. mula sa tindahan upang sunugin ito?

9. Itinuturo ng mga damdamin ang pagpapahalaga; subalit hindi ito ang halaga mismo. May lohika ang puso na iba sa lohika ng katwiran; bagaman hindi ito labag sa katwiran. Nagbubunga ng kapayapaan ang solidaridad ng mga pagpapahalaga.

Maraming pinapahalagahan ang tao. Sa kanyang mga pagpapahalaga, nakikita natin ang mga bahagi ng kanyang pagkatao na hindi natin basta mapupuna sa ibang mga paraan.

Sa sandaling hindi kumukuha ng
attendance ang guro, nakikita kaagad kung sino ang nagpapahalaga sa kanyang klase: ang mga pumapasok sa abot ng kanilang makakaya, kahit na alam naman nilang hindi sila mamarkahang lumiban. Ano pa man ang kanilang motibasyon upang pahalagahan ang pag-aaral, sa kanilang pagkakabahala sa pagliliban, nakikita na pinahahalagahan nila ang pag-aaral.

Masasabing nagiging tagapagturo ng pagpapahalaga ang damdamin, ngunit hindi mismong halaga ang galit, o ang takot, o ang pagkabahala. Itinituro ng karamihan o lahat (Hindi ko masiguro na lahat, dahil mayroon minsang mga damdamin na tila walang kinalaman sa pagpapahalaga, tulad ng gulat.) ng damdamin kung anu-ano ang mahalaga at hindi mahalaga sa atin. Manghihinayang ka ba sa isang bagay na hindi mo nakuha kung hindi ito mahalaga sa iyo?

Halimbawa, noong hindi pa ako nakakapagtapos ng kolehiyo, napakahalaga sa akin ng mga grado. Dahil nangailangan ako ng QPI ng 4.0 sa huli kong semestre upang maging cum laude, kinailangan kong gawin ang lahat ng makakaya ko upang maabot ito, at laking tuwa ko ng nakamit ko ito. Kung hindi ko pinahahalagahan ang grado, gagawin ko ba ang mga ginawa ko? Ikatutuwa ko ba ang pagiging cum laude? Siyempre, hindi.

Sa pagkakataon namang hindi ko makamit ang pagiging cum laude, malulungkot ba ako kung hindi ito mahalaga sa akin? Siyempre, hindi rin.

May lohika ang puso. Hindi lamang ito simpleng pagpapadala sa ating mga damdamin, sapagkat nagiging indikasyon lamang ang ating mga damdamin ng ating mga pagpapahalaga na nakasalalay rin naman sa lohika ng ating pag-iisip. Dahil dito, madaling makita na talagang madalas magkakatugma ang dalawa, ngunit iba lamang ang kanilang pinanggagalingan.

So lohika ng katwiran ng isang nag-aaral ng Pilosopiya upang maging abogado, masasabing itinuturo ng kanyang isip ang mga ideya, ang mga pamamaraan, at mga iba pang bagay na kanyang mahahalaw mula sa Pilosopiya sa kanyang pag-aabogado. Mula sa lohika ng puso, nadarama niya ang matinding saya sa sandaling nauunawaan niya ang kanyang mga pinag-aaralan, at siyempre, higit na saya sa sandaling matanggap siya sa Ateneo Rockwell o sa U.P. o kung saan mang paaralan para sa pag-aabogado.

Nakikita natin kung gayon na iba ang kanilang pinanggagalingan, ngunit hindi nangangahulugang nagkakasalungat ang dalawa. Nakatitiyak ako na mayroong mga mas mainam na halimbawa ukol dito na hindi ko pa napag-iisipan, ngunit malinaw naman ang pagkakaiba at pagkakapareho ng lohika ng puso at lohika ng katwiran.

Sa sandaling nagkakaroon ng solidaridad ang mga pagpapahalaga, sa sandaling hindi nagtutunggali ang mga pagpapahalaga, nagkakaroon ng kalayaan. Kitang-kita ito dahil sa sandaling nagtutunggali ang ating mga pagpapahalaga sa indibidwal na nibel, nagkakaroon tayo ng pag-aagam sa ating sarili sapagkat hindi natin ganap na malaman ang tamang patutunguhan, kung halimbawang nais nating magkaroon ng magandang kinabukasan ngunit nais din nating maging artista na walang kasiguruhan.

Sa nibel ng komunidad, sa sandaling nagkakaisa sila sa kanilang mga pagpapahalaga, nagkakaroon ng kapayapaan. Kung pinahahalagahan ng lahat ng tao ang buhay higit sa ideolohiya, hindi sana nangyari ang pambobomba na naganap noong Pebrero 14, na isang napakaliteral na pagpapakita ng kawalan ng kalayaan sa harap ng mga nagtutunggaling mga pagpapahalaga.

Pag-isipan: makapagbibigay ka ba ng sandaling nagkakatugma ang lohika ng puso at ng katwiran? Paano naman ang sandaling hindi sila nagkakatugma? Ano sa dalawa ang dapat mas bigyan ng halaga?

10. “Dayami ang lahat kung ihahambing sa Pag-ibig.”

Sa tingin ko, malinaw naman ang sinabing ito ni Sto. Tomas. Hindi kinakailangang ipaliwanag, sapagkat kung hindi mo kayang maunawaan kung bakit dayami (
hay) ang lahat kung ihahambing sa pag-ibig, nasayang lamang ang apat na semestre mo ng pamimilosopiya.

Hindi naman siguro lingid sa atin na hindi romantikong pag-ibig lamang ang pinapatungkulan ni Sto. Tomas sa kasabihan niyang ito: sa sandaling natuto tayong umibig sa angkop na paraan sa lahat, nakikitang hindi nagiging mahirap ang pagiging moral sa ating mga kilos. Maloloko mo ba ang iyong tunay na iniibig? Mapapatay mo ba ang iyong tunay na iniibig? Matatalikuran mo ba ang iyong tunay na iniibig?

Subalit, huwag lamang kakalimutan ito: kahit na dayami ang lahat kung ihahambing sa Pag-ibig, ginagamit pa rin ang dayami upang ipakain sa kabayo, minsan upang bigyan ng stabilidad ang semento. Nagiging tila mga sangkap ang dayami na nakakapagdagdag sa mahalagang tinutumbok, na siyang nagsasabi sa ating mahalaga pa rin ang lahat ng ating pinag-aralan, sapagkat sa ating pagdaan sa lahat ng ito, nakikita nating tunay na napakahalaga ng Pag-ibig sa kadulu-duluhan, at hindi ito maaaring mangyari kung hindi natin pagdadaanan muna ang dayami nina Aristoteles, o Sto. Tomas, o Kant, o Scheler.

Ika nga ni Lao Tzu, abo lamang ang mga aklat ng mga pilosopo dahil hindi ito sila mismo. Ito lamang ang kanilang “dayami”, ngunit nararapat nating isipin na kung wala ang dayaming ito, hindi natin mauunawaan ang tunay na mahalaga.

Pag-isipan: kung papalitan ang salitang “Pag-ibig” sa tesis na ito, anong salita ang iyong ipapalit?

No comments: