Tuesday, May 22, 2007

Biglaang Kathang-Isip

Two attempts at Filipino flash fiction. The second one is a trimming down of the original story, that I personally found too wordy for my tastes.

.:Makabagong Pagtangka Sa Biglaang Kathang-Isip…:.

Paalam
ni Kel

Hindi ko alam kung bakit ganyan na lang siya kung makatingin sa akin. Ilang linggo na kaming halos walang imik sa isa’t-isa. Nakahiga sa iisang kama, ngunit mistulang dalawang estrangherong magkasama sa iisang bubong.

Isang umaga, sa gitna ng almusal, bigla na lang niya akong ginulat.

“Ayoko na,” ang kanyang sabi. “Mag-eempake na lang ako. Aalis na ako dito.”

“Pero bakit?” Tanong ko sa kanya. “Ano ba ang kasalanan ko sa iyo?”

Nakita ko sa pungay ng kanyang mga nagluluhang mga mata na may itinatago siya sa aking malalim na sikreto.

“Diego, patawarin mo ako. Ayoko na talaga. May iba na akong mahal.”

Nagulantang ako sa kanyang pag-amin. Sa tagal ng aming pagsasama, hindi ko man lamang siya pinagdudahan, samantalang gabi-gabi siya kung magselos sa akin noon dahil madals akong gabihin sa pag-uwi.

“Ano? Paano nangyari ito? Saan ako nagkulang?”

“Hindi ikaw ang nagkulang, Diego. Ako! Ako ang nagkulang.”

Nanikip ang aking dibdib. Hindi ako makapaniwala sa kanyang sinasabi. Nanlisik ang mga mata ko dahil pinagtaksilan ako ng aking pinakamamahal. Hindi maari ito. Hinding-hindi.

Habang umiiyak siya at unti-unting naglalakad papunta sa kwarto para mag-empake, kinuha ko na ang kutsilyo mula sa kusina.

Nandilim na ang aking paningin.

Paalam, mahal. Paalam.



Si Bantay
ni Kel

Mga ilang buwan ko na ring nakikita ang tutang iyan sa pet shop. Araw-araw, dumadaan ako sa harap, at nakikita ko siya sa bintana. Nakakaaliw siya. Hitsura niya tila’y nangungusap sa aking bilhin ko siya at iuwi.

Sa unang pagkakataon na napag-ipunan ko na rin, binili ko rin siya. Isa siyang Beagle na maliit lamang at nakakaaliw pagmasdan. Ang amo ng dating. Tila ‘di makabasag-pinggan. Ngunit bibung-bibo kung makipaglaro sa sandaling nakarating siya sa bahay. Mabait at maasahan si Bantay.

Ang naisip ko lang ay kung makakasundo niya ang aking pusa, si Sofia. Nabubuwisit man ang mga kasambahay ko dahil sa hilig ni Sofiang mangalmot, mahal ko pa rin siya. Minsan, naiisip ko, baka ako ang alaga niya, at hindi siya ang alaga ko.

Natakot akong baka kung ano ang gawin ni Bantay kay Sofia kapag nagkasama sila, subalit noong unang pagkakataong nagkasama sila, si Sofia pa mismo ang nangalmot kay Bantay, at ang kawawang aso pa ang tumakbo sa isang sulok, ni hindi man lamang tumahol.

Ngayon, kailangan kong lumuwas ng Maynila upang magtrabaho. Kailangan kong iwan ang isa sa kanila.

Narito si Sofia: ang pusang hindi maunawaan. Hindi siya gusto ng mga tao, subalit natuto na rin akong pagtiyagaan siya. Narito si Sofia, ang aking “amo”, kung siya lamang ang masusunod.

Narito naman si Bantay: napakalambing na aso. Napakabait, at handa akong ipagtanggol sa kapahamaka. Narito si Bantay, na tila’y nangangakong ako’y hindi niya iiwan o pababayaan.

Madaling magpasya kung sino ang aking dadalhin sa Maynila.

Pasensya na, Bantay.

No comments: