Thursday, June 07, 2007

Lyrically Speaking Scribbles, Part VIII

.:Lyrically Speaking Scribbles Part VIII: Beer:.

Beer
by Itchyworms

Nais kong magpakalasing
Dahil wala ka na…

Mas madaling takbuhan ang problema kaysa harapin. Mas madaling hindi na lang isipin at magpanggap na walang problema.

Nakatingin sa salamin
At nag-iisa …

Heto na naman si Tanga. Hindi na natuto. Hindi na naisip na ganito talaga ang tadhana ko.

Nakatanim pa rin ang gumamelang
Binalik mo sa akin
Nang tayo'y maghiwalay…

Ang hirap talikuran. Ang hirap limutin. Pag-iibigan nating sa isang iglap nariyan, sa isang iglap, nawawala. Hindi ba kayo napapagod? Sala sa init, sala sa lamig. Para kayong aso’t pusa, at hindi mo man lang maisip kung bakit kayo nagkakaganito.

Ito'y katulad ng damdamin ko
Kahit buhusan mo ng beer ayaw pang mamatay…

Sapat ba ang pagmamahal upang umagapay sa ating mga ‘di-pagkakaunawaan? O di kaya’y nagkakamali lamang tayo at naghahanap ng palusot para sa mga pagkukulang natin sa isa’t isa?

Giliw, wag mo sanang limutin
Ang mga araw na hindi sana naglaho…

Kung tatalikuran ninyo ang lahat, tila walang nangyari. Tila isang panlilinlang sa ating mga sarili sa loob ng panahong iginugol ninyo para sa isa’t isa. Kung iyong lilimutin ito lahat, tila naglaho na lang ang lahat ng ating mga pinangarap.

Mga anak at bahay nating pinaplano
Lahat ng ito'y nawala
Nung iniwan mo ako
Kaya ngayon …

Burado ang lahat. Tila isang panaginip na ubod ng saya na walang sabi-sabing naglaho na parang bula. Kung tunay tayong nagmamahala, bakit kailangan laging may tampuhan? Hindi mo maunawaan kung bakit kayo nagkaganito. Nasaan na siya? Nasaan na ang pagmamahal na kanyang pinangako? Ang pagmamahal na iyong isinumpa?

Ibuhos na ang beer
Sa aking lalamunan…

Alak ng panlilinlang sa sarili. Beer na mapait, mapakla, ngunit kinakailangan upang malimot ang sakit na aking nadarama. Beer na gamot sa lahat ng aking hinaing. Beer na lunas sa aking mga karamdaman.

Upang malunod na ang puso kong nahihirapan…

Masakit ang mawala ang iyong Minamahal sa isang iglap. Masakit na kahit gawin mo pa ang lahat, malalaman mong tinimbang ka, ngunit kulang. Hindi ka karapat-dapat mahalin. Hindi ka karapat-dapat sumaya. Ito ang kwento ng iyong buhay.

Nais kong magpakasabog
Dahil olats ako…

Olats talaga. Minsan na nga lang makakatagpo ng taong magmamahal sa iyo, hahayaan mo pang makalampas dahil sa katigasan ng iyong ulo. Kung mawawala siya, kasalanan mo iyan. Kung iiwan ka niya, ikaw lang ang dapat sisihin at nagkaganyan.

Kahit ano hihithitin
Kahit tambucho…

Daanin na lang sa takas ang problema. Mas mabuti pa nga na ipagpaliban ang katotohanan sa harap ng mga paraan upang makaligtaan ang mga nadarama.

Kukuha ako ng beer at ipapakulo sa kaldero
Lalanghapin ang usok nito
Lahat ay aking gagawin upang hindi ko na isiping nag-iisa na ako…

Para lamang mabuhay. Para lamang hindi maguho ang mundo. Kahit mabuhay na lamang muli sa ilusyon, gawin na lang. Dahil wala na siya. Dahil tapos na ang pantasya.

Bawat patak, anong sarap…
Ano ba talagang mas gusto ko:
Ang beer na ‘to, o ang pag-ibig mo?

Siya ba ang hinahanap-hanap ng puso’t isipan mo ngayon? O ang takas ba ang iyong hinahanap-hanap ngayong nag-iisa ka na? Nais mo bang iwan ka niya upang may dahilan kang magpakaliwaliw at magpakalunod sa ligalig? O totoo bang mahal na mahal mo siya kaya’t nagkakaganyan ka ngayong wala na siya?

Ang hirap sagutin, ano?

No comments: