.:Yehey! Wala Na Kami!:.
may-akda di-kilala
Yehey! Wala na kami.
Yehey! Wala na kami. Wala na akong aalalahanin, wala na akong iisipin...
Pero hirap akong matulog sa gabi dahil bumabalik yung mga alaala noong magkasama kami. Naiisip ko kung paano niya hawakan yung kamay ko, yung tipong nagsasabing hindi niya ako iiwanan. Kung pa'no niya ko yakapin, yung nagsasabing lagi niya akong poprotektahan. At kung pa'no niya ako halikan, yung nagsasabing mahal na mahal nya ako.
Yehey! Wala na kami. Hindi na ako iiyak pa...
Pero kapag gabi nagagawa ko pa ring umiyak, dahil nami-miss ko siya. Nami-miss ko yung mga ngiti niyang nakakaloko, mga jokes niyang corny, mga tingin niyang nakakatunaw, tawa niyang nakakabaliw, pangungulit niya sa akin at kung anu-ano pang kapraningan na ginagawa niya. Nami-miss ko yun...
Yehey! Wala na kami. Wala na akong tatawagan, hindi na ako magte-text sa kanya, at makakaipon na ako ng pera para sa sarili ko.
Pero sa tuwing hawak ko ang cell phone ko, lagi kong hinahanap ang pangalan niya. Lagi akong nate-tempt na magtext sa kanya, o di naman kaya, tumawag. Nangangati lagi ang darili ko na pindutin ang "Write Message", i-type ang message ko, i-scroll yung button para makita ko yung number niya na nasa "aa" naman, at tapos ipe-press ko yung "Send." O kaya naman,i-scroll ko yung button para mahanap yung name niya tapos ipe-press ko yung "Call." Kahit na alam ko na mauubos na ang load ko at wala na akong pambili ng load (dahil kabibigay lang ng nanay ko).Kahit na alam kong hindi naman sya magre-reply at hinding-hindi nya ako tatawagan. At kahit kailan hindi na nya gagawin pang magparamdam.
Yehey! Wala na kami. Magkakaroon na ako ng time para sa sarili ko, sa pamilya ko at sa barkada ko.
Pero sa tuwing lalabas ako ng bahay, kasama man ang pamilya o barkada ko, siya lagi ang naaalala ko, na sana, kasama ko siya ngayon. Magkahawak kamay na namamasyal, naglolokohan, nagkukulitan, at nagtatawanan. Tapos, walang katapusang usapan kung saan kakain ng lunch, kung sa Fazoli's, Congo Grille, Gerry's, o sa Mang Jimmy's at sa mga tinatambayan namin. Kung pupunta ba sa sinehan para manood ng pelikula, kung maglalaro ba kami ng bowling upang magkaalaman na kung sino ang mas magaling, o kung mapilitan akong mag-ice skating kasama siya. Tapos, kasabay ko siya papauwi sabay nanakawan ko ng halik habang nasa biyahe.
Yehey! Wala na kami. Hindi na ako magpupuyat sa kakatutok sa computer, aabutin ng madaling-araw kaka-chat sa kanya.
Pero sa tuwing may ise-search ako sa Internet, bubuksan ko ang Plurk ko at sasabihin na nami-miss ko siya. Papasok ako sa Blogger at magbabakasakali na sumagot siya sa isa sa mga post ko, o kahit man lang sa Shoutbox ko. Titingnan ko ang Friendster at Multiply ko at pagmamasdan ang mga larawan namin noong masaya pa kami... bubuksan ko din ang Yahoo Messenger, dahil baka sakaling dumating siya. Makausap ko man lang, makikipagkulitan uli at baka sakaling magkaliwanagan kami at maibalik ang dating "kami."
Yehey! Wala na kami. Wala na akong girlfriend, pwede na akong tumingin sa iba.
Pero sabi ko sa sarili ko, hindi ko na kayang magmamahal pa muli. Alam ko, dahil sinubukan ko. Alam ko, dahil siya lang ang mahal ko. Siya lang ang nakaka-kumpleto sa araw ko, siya lang yung inspirasyon ko sa mga bagay-bagay. Siya lang yung nakakaintindi sa akin kapag may problema ako. Siya lang yung nakakapagpatahan sa akin kapag umiiyak ako. Siya lang ang buhay ko, siya lang, wala ng iba.
Yehey! Wala na kami. Wala na ring saysay ang buhay ko.
1 comment:
Wah. Ang ganda. Nakakaiyak naman to kel.
Big fan of yours.
Owen from TSC.
Post a Comment