Thursday, January 27, 2005

As Dr. Miroy asked us to write a 5-page biography about ourselves for class tomorrow, I decided to go ahead and write it out here. I decided to do it in the vernacular, as well...

At the same time, I’m only going to tackle a really small facet of my life… heh.

.:Hari Ng Sablay:.

Alam ko na hindi madaling isiksik sa loob ng limang pahina ang isang pansariling talambuhay, at hindi ko ipagpipilitan ito. Sa halip, naisip kong mainam siguro ang isang paglalarawan sa isang bahagi ng aking pagkatao sa pamamagitan ng paglahad ng mga liriko ng isang awit.

Kung mailalarawan sa pamamagitan ng isang awit ang aking buhay, marahil na maging awitin para sa akin ang "Hari ng Sablay", na isang sikat na kanta ng
Sugarfree. Sa pamagat pa lang ng kanta, tila hindi magiging kagiliw-giliw ang aking ilalahad na kuwento, subalit mayroon pa rin namang mga nakakaaliw na sandali ang pagiging isang "Hari ng Sablay".


Please lang wag kang magulat/Kung bigla akong magkalat...

Marami ang nakapagsabi na sa akin na talagang mahilig akong mapag-isa, na tila ba hindi talaga ako mahilig makisama sa ibang tao. Nakita ko noong bata pa lamang ako na talagang hindi ako mahilig makihalubilo sa ibang mga tao, sa kaalamang mahirap masakyan ang ugali ko.

Kung iisipin ko, talagang iilan lamang ang maituturing kong kaibigan ko talaga. Kung pag-uusaan lang ang aking karansan sa mataas na paaralan, hindi ko makakalimutan ang naging nakakapanlumong karansan ko nang tumakbo ako bilang pangulo ng
Student Council, at sa laking gulat ko, maging sarili kong klase ay hindi man lamang ako sinuportahan noong dumating ang halalan. Hindi nga kagulat-gulat nang sandaling “nagkalat” ako sa mataas na paaralan, tila bagang gumuho ang aking kumpiyansa sa sarili.


Mula pa no'ng pagkabata/Mistula nang tanga...

Medyo kulang sa pagkabanayad ang titik ng awit sa sandaling ito, subalit akmang-akma sa akin. Inakala ko talaga na matatapos sa halalan ang aking mga problema, at matapos nito, wala na akong kailangang pangambahan pa, ngunit maling-mali ako. Hindi nagtagal, naunawaan ko rin na hindi ko talaga kasundo ang aking mga kaklase. Lumabas lang ito ng lubusan nang tumakbo ako.

Marahil talagang hindi madaling pakisamahan ang ugali ko noon, kung kaya't tuluy-tuloy lamang ang nangyaring pang-aalipusta sa akin at wala na akong magawa dito. Marahil, maaamin ko na hindi rin naman pawang kasalanan ng mga kaklase ko ang nangyari: talagang hindi ako nakikisama sa kanila, at higit pa riyan, malapit ako sa mga guro namin, na kanilang inisip na pagiging isang sipsip, kumbaga.


Sa'n sa'n nadadapa/Sa'n sa'n bumabangga...

Hindi maiiwasang masabi sa akin ng mga ibang tao na tila dalawa ang kaliwa kong paa. Noong mataas na paaralan ko, kung gaano ako kagaling sa akademiko, ganoon naman ako kahina sa teknikal. Dahil sa mayroong mga teknikal na klase ang
Don Bosco Mandaluyong, medyo nahirapan talaga ako, hanggang sa puntong bawat bese akong dumalaw sa Don Bosco mula nang nakapagtapos ako ng kolehiyo, palagi akong nahihiritan ng aking guro sa mga teknikal na klase na ang una niyang naaalala sa akin ay ang sandaling napasabog ko ang transformer na proyekto ko noon dahil mali ang aking pagkakagawa.

Kung saan-saan nga ako pumapalya, ngunit hindi naman ako masyadong nababahala sa puntong ito. Alam ko namang kahit alaskado ako sa aking guro noon, ipinagmamalaki pa rin niya naman ako bilang isa sa kanyang naging mga estudyante.

Ang puso kong kawawa/May pag-asa pa ba?

Kung gaano ako kamalas sa aking mataas na paaralan, ganoon din ako kamalas sa pag-ibig. Marahil marami akong maikukuwento tungkol dito pa lamang, ngunit pipigilan ko ang aking sarili at sasabihin na lamang sa puntong ito na ang lahat ng sayang nadarama ko ngayon sa aking pag-ibig ay pawang kapalit lamang ng napakaraming mga problemang pinagdaanan ko sa isang taong niligawan ko ng halos apat na taon.


Ayoko nang mag-sorry, sawa na 'kong magsisi/Pasensya ka na, mabilis lang akong mataranta...

Nang napunta ako sa kolehiyo, dala ang matinding utang na loob sa aking mataas na paaralan ngunit isang matinding hinanakit sa aking mga naging kamag-aral, pinangako ko sa aking sarili na hindi na ito mauulit sa Ateneo. Sawang-sawa na ako sa puntong iyon na ako na lamang palagi ang nagpaparaya sa iba. Laking pasasalamat ko na lamang at mas madali kong nakasundo ang mga naging kaklase ko noong kolehiyo, marahil dahil natuto rin akong unti-unting makibagay sa ibang mga tao, at sa pamamagitan noon, hindi na ako gaanong napag-iisipan na walang pakisama.

Dahil sa naging karanasan ko noong mataas na paaralan, talagang naging mabusisi ako sa aking pakikisama sa iba. Madali akong mabahala kapag napapansin ko na tila hindi ako natatanggap sa isang grupo o sa iba, at talagang hinahanapan ko ng paraan upang malaman kung ano ang problema.


Isang tama, sampung mali/Ganyan ako pumili...

Siguro nga, tama ang pakikitungo ko sa aking mga naging kamag-aral noong kolehiyo. Ngunit nakakatuwang isipin na dahil sa paninibago noong unang semestre noong una kong taon sa Ateneo, masyado akong nawili sa pakikisama sa aking mga kaklase sa puntong halos bumagsak ako sa
Math 11, na talaga namang ikinabahala ko. Hindi nagtagal, naghanap at naghanap din ako ng paraan upang maayos ang maliit na problemang iyon.


'Di na mababawi/Ng puso kong sawi...

Ang hindi ko man lamang nabanggit ay noong pumunta na ako sa kolehiyo, naging kakurso ko si Abby, ang kaibigan kong niligawan ko ng apat na taon sa mataas na paaralan. Kahit na mayroon akong nobya magpahanggang-ngayon, hindi talaga naiwasang lumitaw ang nakaraan namin ng aking kaibigan. Humantong ito sa isang punto sa isang klase ni Jim Paredes na nalaman ko na lamang na nagkaroon na pala siya ng nobyo, at sa hindi maipaliwanag na pagkakataon, nagulantang ako sa pangyayaring iyon.


Daig pa'ng telenobela/Kung ako ay magdrama...

Sa puntong iyon, medyo nagkabali-baligtad ang buhay ko, at tila hindi ko na alam ang aking gagawin. Sinubukan kong linawin kung saan talaga ako dapat lulugar, at bigla na lamang sumabog ang lahat ng naging hinanakit ko sa aking kaibigan mula noong mataas na paaralan pa lamang kami. Hindi ko inakalang makakapagsalita ako ng mga salitang maaanghang sa kanya, sa puntong napaiyak ko siya dahil sa mga salitang nabitiwan ko. Drama, drama, at drama pa. Nakakayamot na rin, kung minsan. Subalit kahit ganito nga ang nangyari, hindi rin naglaon at naayos din namin ang aming problema sa pamamagitan ng masinsinang usapan.


Ganyan ba talaga/Guhit ng aking tadhana?

Minsan, naisip ko rin na baka talagang malas lang ako, at ngayon lamang ako nakakabawi. Sa palagay ko, dala lamang talaga ng pagkakataon ang medyo mas maginhawang pamumuhay ko ngayon. Hindi ko naman maaaring sabihing pinasan ko ang daigdig noon, kahit na gaano naging kabigat ang aking mga naging problema.

Noong magtatapos na ako sa kolehiyo, kinainggitan ko si Abby dahil matatapos siya bilang
departmental awardee ng kagawaran ng Komunikasyon. Alam niya iyon. Alam niya kung gaano kahalaga sana sa akin ng ganoong karangalan. Medyo kabalintunaan nga lang ang nangyari matapos ang isang taon, at bigla namang ako ang kanyang kinaiinggitan, hindi dahil mayaman ako (Dahil hindi naman.), kung hindi dahil sa ginagawa ko ngayon ang alam niyang mga pinangarap kong gawin: magturo at magtrabaho sa radyo. Di nagtagal, sa wakas at kami ri'y naging matalik na magkaibigan, dahil sa mga napagdaanan namin noong mga nakaraang buwan man lamang.

Oo, aminado ako na ako ang hari ng sablay. Oo, hindi ako marunong sumabay sa hangin ng aking buhay. Sa halip ng lahat ng ito, natutunan ko rin sa Pilosopiya na kahit ganito ang nabatid kong paglalarawan sa aking buhay, hindi maaaring maikahon ang kabuuan ng aking pagkatao sa pagiging hari ng sablay lamang. Sa patuloy na paglinang ko sa mga relasyon ko, romantiko man o hindi, nakikita ko na kaya ko rin lampasan ang mga ganitong sagabal, at kung anuman ang hindi pumapatay sa akin ang siyang higit na magpapalakas sa akin.

Ako ang hari ng sablay. Salamat na lamang sa Maykapal na ang bawat sablay ay isang pagkakataon upang matuto at hight pang maging isang mabuting tao.

No comments: