I'm too lazy to translate right now. Feel free to tell me if my grammar/spelling is off. I typed this out as fast as I can, and I could've gone longer, but our quota is five pages. I was willing to hit ten... :)
Notice that my fourth argument, the argument from causality, was completely stricken. I can't use it without going beyond five pages, that's why.
**************************************************
Tanong: Sa pagpapalagay na mayroong perpektong Diyos na lubos ang kapangyarihan at karanungan, maaari bang magkaroon ng malayang kalooban ang tao?
Sa larangan ng Pilosopiya, ang usapin ukol sa pagkakaroon o di-pagkakaroon ng malayang kalooban ng tao ay isa sa pinakamadalas pagtalunan. May mga nagsasabing talagang malaya tayo, katulad nina Sartre. Ang mga katulad naman ni Holbach ay naniniwalang hindi tayo malaya, at tumatalima lamang tayo sa kausalidad. Para kina Ayer naman, may kalayaan tayo, subalit hindi ito absoluto dahil sa mga batas ng kalikasan na naglilimita pa rin sa ating mga kakayahan. Sa debate ng malayang kalooban ng tao, lalong nagiging interesante ang talakayan kung ipagpapalagay ang eksistensya ng Diyos. Higit pang lumalalim ang talakayan sapagkat nagkakaroon na ng isang sangkap ang usapin na labas sa kalikasan at sa kalikasan mismo ng tao.
Si San Agustin, sa kanyang artikulong pinamagatang “Banal na Kaalaman-Bago-Pa-Mangyari at ang Malayang Pagloloob ng Tao”, ay sinubukang tugunan ito. Naniniwala siya na malaya pa rin ang tao sapagkat kahit nilikha siya ng Diyos, ang pagloloob ng tao ay kanyang-kanya lamang, at hindi hawak ng Diyos. Kahit alam ng Diyos kung ano ang loloobin natin, hindi ito nangangahulugang Siya ang nagtutulak sa ating gawin ito. Hindi ito nagiging isang nesesidad kahit alam Niyang ito ang mangyayari, o kahit na sa pamamagitan ng Kanyang kaalaman, hindi maaaring mangyari ang taliwas sa Kanyang alam na mangyayari. Tinalakay niya kung tao pa rin ang gagawa ng bagay na alam ng Diyos na gagawin niya, malaya pa rin ang ginagawa ng tao dahil walang-hanggan ang Panginoon at hindi namamalagi sa daloy ng panahon.
Kung nais nating talakayin kung tama nga ang sinasabi ni San Agustin ukol sa kalayaan natin, nararapat na akuhin natin sa ating argumentasyon ang mga ilan niyang ipinagpapalagay. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng parehong pinagbabatayang mga palagay, mas mainam nating masusuri ang mga pangangatwiran ni San Agustin. Una: ipagpapalagay nating mayroon talagang Diyos. Ikalawa: ipagpapalagay natin na ang Diyos na ito ay lubos ang kapangyarihan. Ikatlo: ipagpapalagay natin na ang Diyos na ito ay lubos ang kaalaman. At ikaapat: dahil sa ang Diyos ay lubos ang kapangyarihan at kaalaman, ipagpapalagay natin na ang Diyos ay perpekto.
Ngayon, para sa atin, hindi ang banal na kaalaman-bago-pa-man-mangyari ang ating pagtutuunan ng pansin, kundi ang mismong kalayaan ng loob ng tao. Para kay San Agustin, malaya talaga ito. Subalit nararapat nating pag-usapan ngayon ang mga problema sa naging pangangatwiran ni San Agustin sa loob ng tatlong puntong tumataliwas sa kanya.
Unang-una, sa larangan ng henetika, nakikita natin na sa bawat nagdadaan na taon, mas lumalapit ang mga henetiko sa pagpapatunay na ang lahat ng ginagawa ng mga tao ay mga kilos na dinudulot lamang ng mga prosesong kemikal sa kanilang utak. Sa pagkakataong mapatunayan ito, tapos na ang diskusyon: hindi tayo malaya dahil lahat ng ating ginagawa ay pawang mga kemikal na prosesong hindi naman natin talaga kontrolado. Sa ating ipinagpapalagay na mayroong Diyos kung magkakatotoo ito, nangangahulugan lamang na Siya ang nagsaayos ng mga kemikal na prosesong ito. Alam nating problematiko ang argumentong ito dahil hindi pa maaaring patunayan, kaya’t mas mainam na magbigay ng iba pa.
Ikalawa, alam nating atomistiko ang argumento ni San Agustin ukol sa kapangyarihan ng Diyos. Tinangka niyang ihiwalay ang kalooban ng tao, samantalang ang Diyos na naglikha sa atin ay lubos ang kapangyarihan. Kung lubos ang Kanyang kapangyarihan, hindi ba mas kapani-paniwala na sa Kanyang paglikha sa atin, lubos din ang Kanyang paggawa nito? Sa madaling salita, kung maging ang ating kalooban ay lubos na nilikha ng Diyos, sa kanya pa rin nanggagaling ang ating mga iniloloob, at kung gayon, hindi malaya ang ating pagloloob. Ang ating pagloloob, sa ganitong punto, ay nakasalalay sa Diyos, na laban sa paniniwala ni San Agustin na kaiba at hindi sumasalalay sa Diyos ang ating kalooban. Ang tanong natin ay: paano masasabi ni San Agustin na nilikha tayo ng isang Diyos, at bibigyan ng kakayahang magloob na hindi Niya lilikhain ng buo upang maiwan na lamang sa pagkakataon ang ating mga gagawin? Hindi ba ito tumataliwas sa pagpapalagay niya na lubos ang kapangyarihan ng Diyos kung walang kinalaman ang Diyos sa mga bagay na ating niloloob?
Malaki ang problema ni San Agustin sa kanyang paninindigan na walang kinalaman ang Diyos sa ating pagloloob dahil nararapat pa ring isipin na ang Diyos mismo ang naglikha ng tao at ang kanyang kakayahang magloob. Kung gayon, ang ating pagkabuhay sa lupa ay nakasalalay pa rin sa Kanya, at maging ang ating mga niloob, niloloob, at loloobin ay nagmula rin sa Kanya.
Kung ipagpaparaya natin ang pagiging atomistiko ni Agustin at sasabihin na talagang nilikha lang tayo ng Panginoon at matapos noon ay nag-eksistensya na tayo, masasabi ba nating malaya talaga tayo? Hindi pa rin, sapagkat ang pangatlong punto ay ang katotohanan na sa harap ng pagkakaroon ng isang Diyos, nauuna ang ating esensya sa ating eksistensya. Kung anuman ang ating magiging esensya, iyon mismo ang magiging patnubay natin sa lahat ng gagawin natin sa ating eksistensya. Pagbigyan natin si San Agustin at esensya lang ang nililikha ng Diyos, at tayo ang lumilikha sa ating pagkatao sa ating eksistensya. Malaya ba tayo kung gayon? Hindi pa rin! Hindi ba’t ang Diyos ang lumikha sa ating esensya? Kung gayon, hindi ba’t dahil ang batayan ng ating mga gagawin sa ating eksistensya ay ang ating esensya, maituturo pa rin na hawak pa rin ng Panginoon ang ating eksistensya?
Ngayong nailahad natin ang ating mga pagtutol kay San Agustin, tiyak ba nating masasabi ngayon na hindi tayo malaya? Ah, mabuti sana kung ganito kadali ang pamimilosopiya. Nararapat nating isipin na mayroong mga kahirapan ang pag-amin sa kawalan natin ng kalayaan, at sa harap nito, kinakailangan nating hindi lang tuligsain si San Agustin, kundi ipagtanggol din ang magiging sitwasyon kung wala talaga tayong kalayaan.
Unang-una, sa kawalan ng kalayaan ng taong magloob, masasabi natin na “kasalanan” ng Diyos ang lahat ng kasamaan sa mundo. Dahil pagtalima lamang sa ating pagkakalikha ang lahat ng ating ginagawa, Siya ang may pananagutan sa lahat nangyayari sa mundo.
Malaking suliranin ito ng moralidad, subalit kinakaligtaan ng argumentong ito na ang pananaw ng tao ay limitado kung ihahambing sa pananaw ng Panginoon. Ang isang buong bansa para sa langgam ay hamak na hardin lamang para sa tao. Kung ang pagpatay ng ipis ay karahasan para sa mga ipis, ito ay kabutihan para sa tao. Sa harap ng Diyos, mas maliit pa tayo sa mga langgam, at kung gayon, ang ating pananaw ay hindi maaaring maging tiyak na tumutugma sa Kanyang pananaw. Bilang Diyos na umaakay sa sanlibutan, ang Kanyang perspektiba ay isang malawak na pagtingin. Ang Kanyang Plano ay isang Plano na hindi marahil maunawaan ng limitadong tao. Kung gayon, hindi natin masasabing masama ang Diyos, dahil ang batayan natin kung ano ang masama at mabuti ay masyadong limitado upang ihambing sa Kanya.
Ang isa pang suliranin ay ang paniniwala ng mga ibang manunulat katulad ni Santo Tomas de Aquino na ang Diyos ay mapagmahal. Kung mapagmahal ang Diyos, hindi Niya ipagkakait sa atin ang kalayaan dahil nilikha Niya tayong kawangis Niya. Higit pa nito, kung perpekto Siya at kontrolado Niya ang lahat, bakit hindi perpekto ang mundo?
May kahirapan ang ganitong puna dahil nagbibigay ito ng katangian sa Diyos na hindi pangkalahatan. Ang ganitong katangian ay mula sa lente ng mga Kristiyano at Hudyo, at hindi maaaring ipagpalagay sa ating pagtalakay. May mga ibang katangian ang Diyos na ipinagpapalagay ng ibang mga relihiyon na hindi natin sinasang-ayunan, at sa diwa ng makatarungang pakikipagbuno, hindi natin maipagpapalagay ito. Kung gayon, hindi tayo makakatiyak na mapagmahal nga ang Diyos. Sa isang banda rin, dahil Siya lang ang Diyos, kahit na perpekto pa ang Kanyang pagkakalikha sa lahat, ang Kanyang nililikha ay hindi perpekto, dahil ang pagiging perpekto ay isang katangiang maiuukol sa Diyos lamang.
Sa bandang huli, nararapat itanong ng may-akda sa kaniyang sarili: naniniwala ba siya na hindi siya malaya? Marahil, mainam maniwala sa isang Diyos na lubos ang kapangyarihan at may isang banal na Planong lumalampas sa ating maaaring mabatid. Sa likod nito, hindi pa rin masasabi ng may-akda na komportable siya dito. Iniisip niya na siya ang pumili na isulat ang sanaysay na ito, at hindi ito idinikta lamang sa kanya ng Diyos. Iniisip niya na iniakda niya ito hindi dahil ito ay nesesidad kundi dahil kanyang pinagnilayan ito ng maigi. Nakakagambala sa kanya ang pag-iisip na hindi siya malaya. Ilang linggo siyang nakipagtalastasan sa mga iba’t-ibang mga guro at kaibigan ukol sa paksang ito, at kung lahat ng ito ay pawang programa lamang na tumatakbo sa kanyang pagkatao, namumuhi lamang siya sa akdang ito.
May patibay man laban sa ating kalayaan, hindi pa rin maikakaila na ang paraan ng ating pamumuhay ay isang pagpapalagay ng ating kalayaan. Walang makakapagsabing nabubuhay siya na umuukol sa kaalamang hindi siya malaya dahil alam niyang pinag-isipan niya ang paninindigan na ito, at kaduda-duda ang kawalan ng kalayaan sa proseso ng kanyang pagtuklas.
Ayon kay William James, sa iyong pagloloob na maniwala, malalampasan mo ang mga obhetibong tanong na gumagambala sa iyo. Sa harap ng posibilidad na ang mismong pagloloob ay kontrolado ng iba, tila nawawala ang halaga ng pananampalataya. Bakit pa mananampalataya si Marcelle kung ganoon pala? O maging ang pagdududang ito ay bahagi rin ba ng Plano Niya?
No comments:
Post a Comment