Friday, April 29, 2005

.:Paglampas:.

Paglampas
isang sanaysay ukol sa "Takot at Pangamba" ni Soren Kierkegaard

Isa sa aking napansin sa kabuuan ng akda ni Johannes Desilentio o ni Soren Kierkegaard ang katotohanang hindi maaaring masaklaw ang lahat ng etika. Bilang isa sa mga madalas sumangguni sa Pilosopiya ni Kant, hindi mahirap makita na nagkakaroon kaagad ng kaunting paninibago sa katotohanang ipinapahiwatig sa puntong ito. Kung mararapating bigyang pansin ito, ang katanungan ukol sa posibilidad ng paglampas ng isang absolutong relasyon sa Panginoon mula sa larangan ng etika ay isang katanungang mahirap maunawaan sa umpisa, ngunit sa masusing pagtingin sa talagang nilalaman ng paksa, ay kaagarang mauunawaan ang ipinapahiwatig.

Unang-una, pansinin ang ginamit na sanggunian at sandigan ng mga sinasabi ni Desilentio. Sa unang pagtingin pa lamang, tila malinaw kaagad kung bakit pinili ng may-akda ang kuwento ni Abraham at ang kanyang matinding pananampalatayang nagdala sa kanyang maniwala sa isang tinagurian niyang Panginoon upang lumabas mula sa kanyang kinagisnang lupain ng Ur upang hanapin ang lupang pangako sa kanya. Kahit halos isang siglo na ang tanda ng kanyang asawang si Sarah, naniwala pa rin siya sa kanyang Panginoon na mabibiyayaan siya ng isang anak mula sa kanyang asawa. Kahit na mahal na mahal niya ang anak na ito at siya mismo ang ipinangakong magiging pagmumulan ng lahi ni Abraham, hindi siya nag-atubiling maglakbay ng tatlong araw papunta sa Moria upang isakripisyo ang kanyang anak nang hingin ito sa kanya ng kanyang Panginoon.

Sa pagtingin pa lamang na ganito, agarang nakakalulang isipin na manampalataya sa isang Diyos na hihingi sa iyo ng napakalaking mga bagay at mangangako sa iyo ng tila mga di-kapani-paniwalang mga biyaya, subalit dahil sa pananalig ni Abraham sa kanyang Panginoon, natamasa niya ang mga biyayang ipinangako sa kanya ng Diyos, at dito nakikita na hindi naman pala walang saysay ang mga sakripisyong ginawa ni Abraham. Ngunit sa harap ng ganito, hindi pa rin natin maipagkakaila na talagang hindi madali ang ginawa ni Abraham na maniwala ng walang pagkakabahala.

Kung titingnan ang pamagat ng akda, ito ay “Takot at Pangamba”, na kung itatali ng walang paliwanag sa kuwento ni Abraham, ay magmimistulang walang kinalaman sa isa't-isa. Subalit kapag ating pinag-isipan mismo ang pamagat at kung sino ang maaaring magkaroon ng “Takot at Pangamba” sa kuwento ni Abraham, nakikita natin agad ang kahalagahan ng pamagat na ito. Hindi tunay na sakripisyo sana ang ginawa ni Abraham kung hindi mahirap ang kanyang ginawa. Kung hindi niya talaga minamahal ang kanyang anak na si Isaac, hindi maaaring tawaging isang sakripisyo ang kanyang ginawa.

Samakatuwid, kung wala siyang “Takot at Pangamba” sa kanyang gagawin, malinaw na hindi ito talaga isang pagtalima sa kalooban ng Diyos kundi isang pagbibigay-rasyonalidad sa isang kapritio.

Marahil hindi natin masasabing tama sa larangan ng etika ang ginawa ni Abraham na pagtalima sa naging utos sa kanya ng Diyos, ngunit sa ating pagnanais makamit ang isang telos na relihiyoso, kinakailangang ibitin muna ang etikal, kinakailangan munang ibitin ang unibersal sa pabor ng indibidwal na nakikiugnay ng lubusan sa isang Diyos.

Sa aking buhay, marahil hindi ko pa nararanasan ang isang matinding pagtawag ng Panginoon sa isang absolutong relasyon, ngunit nakikita ko pa rin ang kahalagahan ng takot at pangangamba sa pagsasakripisyo ng isang bagay na talagang mahalaga sa sarili.

Sa pelikulang “Cinema Paradiso”, ikinuwento ni Alfredo sa kanyang kaibigang bata ang kuwento ukol sa isang magandang prinsesang nililigawan ng isang binata. Sabi ng prinsesa sa binata, maghintay siya bawat gabi sa labas ng bintana sa loob ng isang daang araw. Matapos nito, sasagutin ng prinsesa ang binata. Sa sandaling hindi magawa ng binatang manatili ng ganito sa loob ng isang daang araw, hindi siya sasagutin ng prinsesa. Kinakailangang nandoon siya kahit anong mangyari, bawat gabi sa may bintana, hangga't hindi binubuksan ng prinsesa ang bintana upang tanggapin siya bilang kasintahan.

Kaya't lumipas ang mga araw. Umulan man, bumagyo man, nandoon pa rin ang binata sa labas ng bintana, bawat gabi, naghihintay lamang. Kahit na gaano kasakit ang kanyang katawan sa kapaguran sa trabaho sa buong araw, o kahit na inaapoy na siya ng lagnat, hindi siya natinag sa kanyang pagnanais na maging nandoon sa loob ng isang daang araw. Ang isang araw ay naging pito, naging sampu, naging dalawampu, naging limampu, naging siyamnapu't-siyam.

Sa ika-isang daang araw, kinakailanga na lamang manatili ng binata sa labas ng bintana upang sagutin siya ng prinsesa sa pamamagitan ng pagbukas ng bintana para sa kanya.

Ngunit nang dumating siya sa ika-isang daang araw, umupo lamang siya ng saglit, at umalis na.

Nakapagtataka. Bakit hindi na lamang naghintay ang binata, samantalang sa dulo ng huling gabing iyon, mapapasakanya na ang prinsesa? Bakit bigla na lamang siya sumuko sa layo na ng kanyang narating? Mahirap maunawaan ang kanyang ginawa, ngunit dahil ito sa nagkaroon na siya ng absolutong relasyon sa kanyang pangako sa prinsesa, sa puntong mas mahalaga na hindi niya malaman kung tutuparin o hindi tutuparin ng prinsesa ang kanilang napagkasunduang mangyayari matapos ang isang daang araw.

Marahil mahirap maunawaan ang kaniyang, ginawa, ngunit pinapatunayan lamang nito kung gaano katindi ang nagagawa sa atin ng pagkakaroon ng absolutong relasyon sa Panginoon, o sa kaso ng binata, sa kanyang kasunduan. Marahil, marami tayong nagiging pagpapaliban sa mga madalas nating kinasanayang mga bagay sa mga sandaling ganito.

Dahil sa dala ng absolutong relasyon, nagagawa natin ang mga bagay na maaaring absurdo o karumal-dumal sa ibang mga pagtingin, ngunit hindi natin ito ginagawa dahil nais natin gumawa nito, kundi dahil mayroon tayong nilalayong lumalampas pa sa mga kategoriya ng absurdo o karumal-dumal, na hindi nagiging angkop ang mga ganitong paglalarawan sa kadulu-duluhan, sapagkat nakapaloob sa sariling nibel ang ganitong mga bagay, at hindi sumasangguni sa mga bagay na may kinalaman sa unibersal.

Ako man, nakikita ko ang ganitong punto, na kinakailangang magsakripisyo ng isang bagay na napakahalaga sa akin upang mabigyan ng pagkakataon ang isang mas higit pa rito. Maaaring hindi ito sa nibel ng walang-hanggang pagpapaubaya o pagpaparaya, ngunit naabot pa rin nito ang punto kung saan talagang nagiging mahalagang pag-isipan ang bawat ginagawang kilos ko ukol sa kasalukuyan na aking pagsasaalang-alang ng aking telos.

Marahil marami ang nagtataka kung bakit matapos ng apat na taon sa Komunikasyon sa Ateneo De Manila, bigla ko na lamang naisip na mag-aral ng pagpapakadalubhasa sa Pilosopiya. Higit pa rito, sa halip na magtrabaho sa mundo ng patalastas na talagang malaki ang kita, mas ninanais ko maging isang guro ng Pilosopiya, na tila napakalayo mula sa inaasam na larangan para sa akin ng ibang mga tao. Marami ang nagsasabing sayang lamang ang talino ko, o di kaya'y hindi naman kasi ako yayaman sa Pilosopiya, ngunit hindi naman iyon problema sa akin.

Kung sabagay, sa larangan ng unibersal, mas mahalaga siyempre ang magkaroon ng trabahong malaki ang suweldo at hindi na kailangan ng higit pang taon ng pag-aaral sa unibersidad. Kung susuriin ang mga motibasyon ng mga tao upang sabihan akong huwag na ipagpatuloy ito, marahil nakikita kong may lohika ang kanilang pinagmumulan, at hindi ko sila masisi sa kanilang nagiging paniniwala ukol sa aking tinatahak na landas.

Subalit, sa larangan ng indibidwal, nakikita ko na oo, mahalaga sa akin ang magkaroon ng salapi at yumaman, kung kaya't mas nagiging makahulugan ang pagpapaliban ko sa lahat ng ito at sa halip ay aking paninindigan ang pamimilosopiya. Nakikita ko ang sarili ko sa naging kilos ni Abraham, na hindi siya tumigil sa paniniwala sa Diyos sa harap ng tila mga absurdong bagay na pinagdadaanan niya. Sa likong paraang ito, nabibigyan ng kalubagan ang loob ko sa aking naging pasya. Oo, marahil hindi nga ako lalangoy sa salapi sa pamimilosopiya.

Ngunit sa totoo lang, sa aking paninindigang magpatuloy sa paglilinang ng aking pamimilosopiya, oo, yayaman pa rin Ako, higit pa ng matatamo ng salapi.

No comments: