Wednesday, July 28, 2004

Wow!

My new attempts at literary stuff are going to be in the vernacular for once. However, I fully intend to translate them when I have the time to…

.:Huwag Mo Akong Turuan:.
Isang Tula ni Marcelle T. Fabie

Huwag mo akong turuan, sino ka ba?
Mas marunong ka pa sa akin kung makaasta
Tantanan mo na ako, hayaan mo na
Huwag mo akong turuan, maawa ka

Huwag mo akong turuan, huwag kang makialam
Para naman kasing wala akong alam
Alam ko na ang samahan nati’y oras na hiram
Alam ko na lumalapit na rin ang pagpapaalam

Huwag mo akong turuan, ‘di ko kailangan ng tulong
‘Di bale kung ang kapalaran ko’y panay urong-sulong
Kaya kong sumalalay sa sariling dunong
Mawala ka man, ang panahon ay patuloy na gugulong

Huwag mo akong turuan, matapos iiwang luhaan
Nang matutong ika’y mahalin, na isang kahibangan
Kaya’t ako’y nagmamakaawa: huwag mo akong turuan:
Na para sa iyo ako’y maging isang hunghang


.:Si Bantay:.
Isang Maikling Kuwento ni Marcelle T. Fabie

Mga ilang buwan ko na ring nakikita ang tutang iyan sa labas ng pet shop. Araw-araw, dumadaan ako sa harap, at nakikita ko siya sa bintana. Nakakaaliw siya. Mapungay ang kanyang mga mata at tila’y nangungusap sa aking bilhin ko siya at iuwi. Bawat araw ko siyang nakikita doon na hindi ko man lamang siya nilalapitan, nadarama ko ang matinding pagnanais na mabili siya pagdating ng tamang panahon.

Sa unang pagkakataon na napag-ipunan ko na rin, binili ko rin siya. Isa siyang Beagle na maliit lamang at nakakaaliw pagmasdan. Ang amo ng dating. Tila ‘di makabasag-pinggan. Ngunit bibung-bibo kung makipaglaro sa sandaling nakarating siya sa bahay. Hindi ko siya inilagay sa hawla: hinayaan ko siya sa loob ng bahay namin, at binansagan ko siyang “Bantay”. Oo na, sabihin na nating talagang gasgas na ang pangalang iyan, subalit nararamdaman ko ang pagmamahal ni Bantay para sa akin. Sa kanyang paghimbing sa aking tabihan tuwing gabi, naiisip ko na kung kaya niyang magsalita, mangangako siyang hindi niya ako iiwan at palagi siyang nandoon para sa akin.

Ang una kong ikinabahala sa aking pagkupkop kay Bantay sa aming tahanan ay kung paano niya makakasundo ang aking alagang pusa, si Sofia. Matagal ko na kasama si Sofia: marami na kaming pinagdaanan, at kahit na minsan, nabubuwisit ang mga kasambahay ko dahil sa hilig ni Sofiang mangalmot kung saan-saan, mahal na mahal ko pa rin siya. Palagi akong nandoon para sa kanya, sa lahat ng mga pinagdadaanan niya. Mga ilang oras din ang ginugugol ko upang aliwin si Sofia kapag kasama ko ang aking pusa. Kumbaga, minsan, naiisip ko, baka ako ang alaga niya, at hindi siya ang alaga ko. Nakakaaliw, ngunit may angking katotohanan, kahit katiting.

Natakot akong baka kung ano ang gawin ni Bantay kay Sofia kapag nagkasama sila, subalit noong unang pagkakataong nagkasama sila, si Sofia pa mismo ang nangalmot kay Bantay, at ang kawawang aso pa ang tumakbo sa isang sulok, umiiyak-iyak, ni hindi man lamang matahulan si Sofia. Agad kong nilapitan si Sofia at pinagsabihan, bago ako umalis ng bahay. Sa pagdaan ng panahon, hindi ko nakitang lumaban si Bantay kay Sofia, na tila’y nauunawaan niya kung gaano kahalaga sa akin ang pusa.

Minsan, napilitan akong lumuwas ng Maynila upang makapagtrabaho para sa aking pamilya. Dahil sa kakulangan ng espasyo, napilitan akong iwan ang isa sa aking mga alaga. Napaisip ako: sino sa dalawa?

Narito si Sofia: ang pusang hindi maunawaan. Hindi siya kinahihiligan ng karamihan, subalit natuto na rin akong pagtiyagaan ang kanyang mga ginagawa. Narito si Sofia, ang aking “amo”, kung siya lamang ang masusunod.

Narito naman si Bantay: napakalambing na aso. Napakabait, at handa akong ipagtanggol sa kapahamakan (Kahit na hindi ko naman kakailanganin iyon.). Narito si Bantay, na tila’y nangangakong ako’y hindi niya iiwan o pababayaan.

Madaling magpasya kung sino ang aking dadalhin sa Maynila.

Pasensya na, Bantay.

No comments: